| |
Matindi
naming tinututulan ang napapabalitang pagpirma ni
Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng isang Executive Order
na nag-uutos na gamitin ang Ingles bilang wikang panturo
sa higit na nakararaming asignatura sa batayang edukasyon.
Sa karerebisang Basic Education Curriculum, ang Ingles ay
gagamitin sa pagtuturo ng Matematika, Agham, at Ingles.
Wikang Filipino naman ang gagamitin sa pagtuturo ng
Makabayan at Filipino. Ngunit sa ipatutupad na Executive
Order, panukala ng DepEd (DECS noon) na ang TEPP at PEHM,
na mga komponent ng Makabayan, ay ipatuturo na sa Ingles;
ang Values Education at Social Studies na lamang ang
ituturo sa Filipino. Sa kabuuan, mahigit na 70% ng oras ng
pagtuturo ay ilalaan sa Ingles.
Tandisang
paglabag ito sa probisyong pangwika sa Konstitusyon.
Isinasaad sa Artikulo 14, Seksiyon 6 ang ganito:
“Sang-ayon sa mga probisyon ng batas at sa kung ano ang
nararapat ayon sa Kongreso, magsasagawa ng hakbang ang
Pamahalaan upang masimulan at maisulong ang paggamit sa
Filipino bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”
Taliwas sa tagubilin sa pamahalaan na gumawa ng mga
hakbang para isulong ang wikang pambansa bilang wika ng
edukasyon, ang pamahalaang Arroyo ay lantarang sumusuway
at lumalapastangan sa probisyong ito at itinataguyod ang
wikang banyaga sa kapahamakan ng wikang pambansa.
Binabalewala
rin ng bagong kautusang ito ang mga rekomendasyon ng mga
malawakan at pambansang pag-aaral tulad ng PCER at EdCom
Report na gamitin ang unang wika ng mag-aaral o ang
lingua franca tungo sa mabisang pagkatuto.
Sa kabila ng
malinaw na rekomendasyon ng mga pag-aaral na ito na
gamitin ang sariling wika lalo sa batayang edukasyon,
bakit iginigiit ng pamahalaan ang Ingles bilang wikang
panturo? Ang totoo, sa maraming taon ng pagbibigay-diin sa
Ingles sa ilalim ng patakarang bilingguwal, lumalabas sa
mga pag-aaral na mahina ang mga estudyante sa parehong
Ingles at Filipino. Ang nangyari, ayon sa mga dalubhasa sa
pagtuturo ng wika, ay subtractive bilingualism sa
halip na additive bilingualism. Masyadong maagang
itinuturo sa bata ang pangalawang wika kaya sa halip na
maging tunay na bilingguwal ay nagiging mahina siya sa
dalawang wika – sa pangalawa at kahit pa sa unang wika.
Ang dapat nangyari ay patatagin muna ang kasanayan niya sa
akademikong paggamit ng kaniyang unang wika bago ituro ang
pangalawang wika. Maraming pag-aaral ang nagpapatunay na
mas mabisa at mabilis na matuto ang bata ng pangalawang
wika kung matatag ang pundasyon niya sa unang wika.
Gayundin, mas madaling matutunan ng mag-aaral ang
asignaturang pangnilalaman (content subjects) kapag
itinuro ito gamit ang wikang alam niya.
Kung hindi
natuto ang mga estudyante natin sa Ingles, matututunan
kaya nila ang mga araling itinuro sa wikang ito? Madaling
hulaan ang sagot. Sa ginanap na Third International Math
and Science Study o TIMMS, halimbawa, isa ang Pilipinas sa
mga nangulelat. Ebidensiya ang TIMMS na inutil ang Ingles
sa mabisang pagtuturo at pagkatuto ng Agham at Matematika.
Hindi rin
totoo na ang Ingles ang eksklusibong wika ng ICT. Mismong
DepEd, sa pamamagitan ng DECS Order 54, s. 1987 ang
nagsabing “… ang Ingles ay di eksklusibong wika ng agham
at teknolohiya…”. Kaugnay nito, ipinaliliwanag ng mga
iskolar sa wika at globalisasyon ang isang bagong
lingguwistikong kaayusan sa panahon ng globalisasyon kung
saan sabay-sabay na dinidevelop ang pandaigdigang wika,
rehiyonal na wika at lokal na wika. Sa kasalukuyan, Ingles
na nga ang umiiral na pangunahing pandaigdigang wika.
Ngunit nadedevelop din ang mga panrehiyong wika, wikang
magsisilbing lingua franca ng magkakalapit na bansa.
Kasabay nito, lumalakas din ang mga kilusan para sa
preserbasyon ng mga lokal na wika. May pandaigdigang wika
tayo para sa komunikasyong pandaigdig. May rehiyonal na
wika tayo para sa mas rehiyonal na panlipunang
interaksiyon. At may mga lokal na wika tayo para sa mga
panloob na interaksiyon at proseso na tutugon sa mga
batayang pangangailangan sa wika, kasama na rito ang
edukasyon. Sa madaling salita, hindi totoo na ang Ingles
ang tanging global na wika.
Sa lahat ng
ito, kapuna-puna rin ang tila palihim na pagbalangkas ng
mga patakarang pang-edukasyon ng Malacañang. Walang
sinuman sa mga pangunahing akademikong institusyon o sa
mga samahang pangwika ang kinonsulta gayong napakahalagang
pagbabago ang ipinanukala hinggil sa patakarang pangwika
sa edukasyon. Hindi ba’t nararapat lamang na ang isang
pangunahing patakarang ipinapanukala ay dumaan sa isang
konsultatibo at demokratikong proseso bago buuin at
ipatupad?
Napaghahalata na walang malinaw, walang batayan at walang
pangkabuuang bisyon ang pamahalaan hinggil sa pagpapahusay
ng ating sistemang pang-edukasyon. Noong isang taon lamang,
ipinahayag ni Pangulong Arroyo na Filipino ang midyum ng
pagtuturo. Simula noong Hunyo 2002, ipinahayag ang
pagbalik sa Ingles. At ngayon, wala pa ngang isang taon
ang bagong kurikulum, papatapos pa lang ang pagsulat ng
mga teksbuk sa bagong asignaturang Makabayan, nagsasanay
pa lamang ang mga guro, ay may paiiralin na namang bagong
patakaran/programa. Ano ang batayan ng mga pagbabagong ito?
Kailangan bang maging biktima ang ating bayan, lalo na ang
mag-aaral at guro, sa mga pagbabago-bagong-isip, kapritso,
at sumpong ng ating mga pinunong bayan?
Hinihiling
namin kay Pangulong Arroyo na itigil ang pagpirma sa
Executive Order na nag-uutos ng paggamit ng Ingles bilang
wikang panturo sa higit na maraming asignatura. Sa halip,
kailangang magpatawag siya ng malawakang konsultasyon
upang suriin ang kurikulum ng basic education. Kailangang
gumawa ng mga konkretong hakbang ang pamahalaan para
tuparin ang itinatadhana ng Konsultasyon na puspusang
gamitin ang wikang pambansa bilang wika ng edukasyon.
CHED Teknikal na Komite sa Filipino UP Sentro ng Wikang
Filipino SANGFIL LEDCO Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP
Diliman Departamento ng Filipino, Pamantasang De La Salle Kagawaran ng Filipino, Pamantasang Normal ng Pilipinas Kagawaran ng Filipino, Ateneo de Manila University Pambansang Samahan sa Wika
(Marso 31, 2003)
|