|
Naligalig
kami sa mga pahayag ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo
kaugnay ng patitindihing paggamit ng Ingles bilang
pangunahing wika sa pagtuturo sa mga paaralan sa
Filipinas, at ang seryosong implikasyon nito sa edukasyon
at buhay ng mga Pilipino. Nais naming magpahayag ng ibang
pananaw sa pambansang usapin na ito.
Una,
malinaw na ang pahayag ay maling pagbasa sa partikular na
probisyon ng Konstitusyon sa paggamit ng Ingles at
Filipino bilang mga opisyal na wika sa Filipinas. Sinasabi
sa Konstitusyon ng Filipinas, Artikulo XIV Seksiyon 6:
“Sang-ayon sa mga probisyon ng batas at sa kung ano ang
nararapat ayon sa Kongreso, magsasagawa ng hakbang ang
gobyerno upang masimulan at maipagpatuloy ang paggamit sa
Filipino bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”
Ang pahayag ng Pangulong Arroyo – “[ang Konstitusyon] ay
tumutukoy sa paggamit ng Filipino bilang wika ng pagtuturo,
ngunit tinutukoy din nito na sang-ayon ito sa mga
probisyon ng batas at kung ano ang nararapat ayon sa
Kongreso” – ay kabaligtaran ng nasabing tadhana. Sa halip
na itaguyod ang development ng Filipino bilang
instrumentong pang-edukasyon, binaluktot niya ang atas ng
Konstitusyon para itampok ang Ingles bilang wika ng
kaniyang programa sa “pandaigdigang kompetisyon.” Gayundin,
binaluktot pa ng kaniyang pahayag ang naturang probisyon.
Ang nabanggit na tadhana ay naglalatag ng kondisyon ng
Filipino bilang tanging opisyal na wika ng Filipinas; ang
abolisyon ng Ingles ang nangangailangan ng pagpapasiya ng
Kongreso pagdating ng panahong naabot na ng wikang
Filipino ang pagkilala at papel bilang pambansang wika.
Pangalawa,
ang pahayag ni Pangulong Arroyo hinggil sa “pagbabalik sa
Ingles” ay nangangahulugan ng pangunahing istatus ng
Filipino bilang wika sa pagtuturo. Muli, wala itong
katotohanan. Maliban kay Manuel L. Quezon, ang Filipinas,
mula sa panahon ng Amerikano hanggang sa kasalukuyan, ay
laging sawimpalad sa pagkakaroon ng pangulong hindi
nagtataguyod sa ating sariling wika sa mga paaralan at sa
mga opisyal na komunikasyon. Nang sabihin niyang
“Siyempre, ituturo pa rin ang ilang asignatura sa
Filipino” ipinapakita lamang niyang wala siyang nalalaman
sa kasalukuyang istatus ng Filipino, na limitado naman
talaga ang paggamit dito sa mga paaralan sa Filipinas, at
ginagamit lamang sa mga asignatura sa Filipino at Araling
Panlipunan. Ang iba pang asignatura-mula Ingles, Agham,
Matematika, Vocational, at Physical Education-ay pawang
itinuturo sa Ingles.
Pangatlo,
ang pahayag ni Pangulong Arroyo ay naglalagay sa kaniya sa
hilera ng mga naunang Pangulo ng Pilipinas na nagtaguyod
ng mga patakarang pangwika na sumasalungat sa mga
siyentipiko at makabagong prinsipyo sa edukasyon. Isa sa
mga ito ang nagsasabing mas mabilis matuto ang bata kapag
sa sariling wika nag-aaral. Ikalawa, na mas mabilis ang
pagkatuto ng bata ng ikalawang wika kapag literado na siya
sa sariling wika. Ang bisa ng mga prinsipyong pang-edukasyong
ito ay napatunayan na sa mga eksperimento at pag-aaral
kahit bago pa ipatupad ang patakarang bilingguwal sa
edukasyong Filipino. Ipinakita ng eksperimento ng Iloilo
noong dekada 1960 na mas mabilis at mabisang matuto ang
kabataang Filipino sa sariling wika. Ipinahayag din ng
EDCOM Report (1998) na “Ipinakita ng mga resulta ng
pagsubok na nakuha ang pinakamataas na iskor ng mga
nagsipag-aral sa sarili nilang wika… tulad ng mga
kabataang Hapones at Koreano.”
Sa liwanag
ng mga pananaw na ito, pinag-aalinlangan namin ang
development program ng administrasyong Arroyo na
nangangayupapa sa pangangailangan sa lakas-paggawa ng
kalakalang multinasyonal habang kinakalimutan ang
paglinang sa lokal na agham at negosyo. Sa halip na
asikasuhin ang mga dayuhan, dapat na unahin ng
administrasyong Arroyo ang pangangailangan ng mga
Filipino.
Iminumungkahi namin sa administrasyong Arroyo na seryosong
isaalang-alang ang paggamit ng Filipino bilang tanging
wika sa pagtuturo sa lebel na primarya. Masisimulan ang
paggamit ng Ingles sa lebel na intermedya. Layunin nitong
maisagawa sa mabisa at demokratikong paraan ang tunay na
diwa ng patakarang bilingguwal, at mapakinabangan din ang
pinakamainam na prinsipyong pang-edukasyon. Kasalukuyang
isinasagawa ng Hong Kong at China ang naturang prinsipyo
nang mabatid ng mga edukador nito ang bisang pang-edukasyon
ng nasabing metodo. Ang sistemang nagtatampok sa papel ng
unang wika ay lilikha ng mga estudyanteng matatas sa
Filipino at handang matuto sa Ingles. Mungkahi naming
mamuhunan sa pagsasanay at muling pagsasanay sa mga guro.
Ang mga paaralang normal ay dapat bigyan ng mas malaking
badyet para mapasiglang muli ang propesyon ng mga guro.
Dapat tayong masinsinang sumulat at maglimbag ng mga
teksbuk sa Filipino. Binabati namin ang administrasyon sa
pagtatayo ng mga paaralan sa mga barangay ngunit dapat na
may kasabay na programa sa pag-aangat sa kalidad ng
edukasyon. At hindi dapat kalimutan ang papel ng mga guro
sa pagpapatuloy ng mga ideal ng mabuting edukasyon kaya
dapat itaas ang kanilang mga sahod upang manatili sila sa
bansa at hindi maglingkod na mga domestic helper o
chambermaid sa ibayong dagat.
SANGFIL
(Sanggunian sa Filipino) PASATAF
(Pambansang Samahan ng mga Tagamasid at Tagapagtaguyod ng
Filipino) PSW
(Pambansang Samahan sa Wika) UMPIL
(Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) PAMANTASANG NORMAL NG PILIPINAS
(Kinatawan ng Departamento ng Filipino) UNIBERSIDAD NG PILIPINAS
(Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Departamento ng
Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Departamento ng
Linggwistiks, Surian ng Malikhaing Pagsulat, at Language
Teaching Area) PAMANTASANG ATENEO DE MANILA
(Kinatawan ng Departamento ng Filipino) DE LA SALLE UNIVERSITY
(Kinatawan ng Departamento ng Wikang Filipino)
|