MABUHAY! GAWAIN BANTAY-WIKA SANGGUNIAN TAGUYOD-WIKA KONTAK KAWING     
  English First Policy
   Will Hurt Learning
  Filipino ang Wika ng
   Edukasyon at ng
   Kaunlaran ng
   Filipinas
Ipagtanggol ang
   Tagumpay ng Wikang
   Filipino, Tutulan ang
   Pagbabalik ng Ingles
   Bilang Pangunahing
   Wikang Panturo
Isang Tugon kay
   Pangulong Gloria
   Macapagal Arroyo na
   Nag-Atas sa
   Departamento ng
   Edukasyon para sa
   “Pagbabalik sa Ingles
   Bilang Pangunahing
   Wika sa Pagtuturo”
Laban sa Pagdaragdag
   sa Oras ng Pagtuturo
   Gamit and Wikang
   Ingles
  Teksbuk
  Tungo sa Isang
   Edukasyong Filipino
Why GMA's
   Language Policy
   Should Be Reversed
 
 
 
 
 
 
 
 
Ipagtanggol ang Tagumpay ng Wikang Filipino, Tutulan ang Pagbabalik ng Ingles Bilang Pangunahing Wikang Panturo

 

 

Sentro ng Wikang
FilipinoUnibersidad ng Pilipinas-Diliman  

          Mahigpit naming tinututulan ang isang peligrosong panukala na niluto at ihahain ng Kongreso laban sa wikang Filipino. Kinonsolida nitong Setyembre 2005 ng Committee on Basic Education at Committee on Higher Education ng Kongreso sa iisang panukalang batas ang kampanya upang tuluyang maipatupad  ang paggamit ng wikang Ingles bilang pangunahing  wikang panturo sa batayan at mataas na antas ng edukasyon – ang House Bill 4701.  

           Dahil dito higit pang pinagbuklod at pinalakas ng HB 4701 ang atake sa wikang Filipino. Ipinag-uutos nito ang  sapilitang paggamit ng wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas, sa lahat ng sabjek (maliban sa Filipino), at sa lahat ng oras sa bawat sulok ng paaralan simula sa akademikong taon 2007-2008. Saklaw nito ang preschool, elementarya, hayskul, at kolehiyo; at maging sa mga teknikal at bokasyunal na kurso. Nakalakip din sa panukala ang paggamit ng wikang Ingles sa lahat ng mga eksaminasyon para sa admisyon, akreditasyon at akselarasyon ng mga paaralan.  

          Ang  HB 4701 ay supling ng dalawang  naunang hakbangin upang  puksain ang wikang Filipino. Una na rito ang HB 1652 nina Kongresman Jose R. Gullas at Edgardo  R. Gullas na naglalayong gawing Ingles ang midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas simula unang baitang. Sinundan ito ng atas ni Pangulong Gloria M. Arroyo, ang Executive Order 210 na naglalayong palakasin ang Ingles sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mas maraming oras sa paggamit ng Ingles bilang wikang panturo. Kapag naisabatas ang HB 4701, ipapawalang-bisa nito ang Patakarang Bilingguwal ng 1987 na naglalayong pahusayin ang kasanayan sa Filipino at Ingles sa pamamagitan ng pagtuturo ng dalawang wikang ito at sa paggamit ng mga ito bilang mga midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas.   

          Bukod sa pagtutol, dapat labanan at biguin ang HB 4701. Una,   ito ay sukdulang paglabag at pagbaluktot ng probisyon sa wika ng Konstitusyon 1987. Ayon sa Artikulo 14  Seksiyon 6: “Sang-ayon sa mga probisyon ng batas at sa kung ano ang nararapat ayon sa Kongreso, magsasagawa ng hakbang ang gobyerno upang masimulan at maipagpatuloy ang paggamit sa Filipino bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”  Ngunit sa HB 4701,  sa halip na ipagpatuloy ang nasimulan,  winawakasan at pupuksain nito ang wikang Filipino.  

          Ikalawa, binabale-wala nito ang  mga pag-aaral sa siyentipikong batayan ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Pinatutunayan ng mga pananaliksik sa bansa at karanasan sa pandaigdigang pagsusulit (EDCOM Report 1998; Third International Math and Science Study-TIMSS) na mas mabisa at mabilis na matuto ang bata ng pangalawang wika kung matatag ang pundasyon niya sa unang wika. At kasunod nito, mas madaling matutuhan ng mag-aaral ang iba pang aralin kapag itinuro ang mga ito gamit ang wikang alam niya. Sa madaling salita, dapat patatagin muna ang kasanayan ng mag-aaral sa akademikong  paggamit ng kaniyang unang wika (wikang bernakular o Filipino)  bago ituro ang pangalawang wika (Ingles).  

          At ikatlo, inililibing nito sa limot ang makasaysayang pagpupunyagi ng mga makabayang Filipino mula kay Jose Rizal, Andres Bonifacio, Manuel L. Quezon at sa mga delegadong masikhay na nagratipika  ng mga probisyon sa Konstitusyon 1987 sa pagtatanghal ng wikang pambansa.  Ang pagbabalik ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo ay isang malinaw na  pagpapawalang-halaga sa dunong, pawis, panahon, at salaping  isinakripisyo alang-alang sa tagumpay ng wikang Filipino.  

          Ang mga Kongresman at mismo ang Pangulong Arroyo ay nangangalandakan na kailangang gawing mandatory ang Ingles upang maging “globally competitive” at mapataas ang “English comprehension’ ng mga Filipino. Ngunit sa likod ng mga retorikang ito ng globalisasyon, ang kampanya sa Ingles ay lumilikha  ng mga “world class citizen” na mapapabilang lamang sa hukbo ng domestic helpers, call-center operators, mga guro, mga nars at doktor, at iba pang  propesyunal na lumalabas ng bansa. Sa halip na asikasuhin ng gobyerno  ang ekonomiya, siyensya, at negosyo upang lumikha ng oportunidad sa  lokal na trabaho, ang pagtatamo ng “English proficiency” ay nakatuon sa paglilingkod sa kapakanan ng dayuhan.   

          Hindi Ingles ang solusyon sa problema ng bayan. Matagal na nating ginagamit ang wikang ito ngunit nanatili pa rin ang problema ng bansa sa ekonomiya at edukasyon.  Ang tunay na solusyon ay ang pagkakaroon ng isang gobyernong may matatag na kapasyahang politikal upang iwaksi ang politika ng pakikipagkompromiso, pandaraya, at paninikluhod sa dayuhan. Isang gobyernong may makabansa, siyentipiko at demokratikong programa sa pagpapahusay ng sistema ng edukasyon.  

          Sa halip na gumawa ng paraan upang itaguyod ang pambansang wika, muling hinahati at pinagwawatak-watak ng administrasyong Arroyo ang sambayanan. Inilalayo nito ang bukal at batis ng mabunying kaalaman na makakamit sa paggamit ng kaniyang sariling wika  tungo sa landas ng pambansang pagkakaisa at kaunlaran.  

          Dapat nating pahigpitin ang pagkakaisa upang paghandaan ang nagbabantang unos sa wikang Filipino. Iisa lamang ang direksyon na tinatahak ng HB 1652, EO 210, at HB 4701 : ang pagbabago ng Konstitusyon o ang charter change. Kaya’t hindi nakapagtatakang ang mga isponsor ng mga panukalang batas at atas  laban sa wikang Filipino ang siyang ring mangunguna sa pagwawasiwas ng tabak upang tuluyan nang  pugutan ng ulo ang wikang Filipino sa Konstitusyon.  

          Bilang mga edukador, mananaliksik, mag-aaral, at mamamayang  nagmamahal sa wika, kultura, kasaysayan, at identidad ng Filipino  kailangan nating magsama-sama hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa lansangan upang lumahok sa malawakang pakikibaka ng sambayanan. Ang atake sa wikang Filipino ay atake sa ating pagkabansa. Atake ito sa kabuhayan, karapatan, at kapakanan ng  sambayanan. Kapag minamaliit at ipinagkakait ang wikang Filipino sa mamamayan, para na ring kinitil ang kanilang karapatan na mabuhay ng malaya,  marangal,  at matalinong ipagmalaki ang kanilang pagka-Filipino.  

          Ang pakikibaka ng wikang Filipino ay hindi na lamang pakikibaka sa loob ng akademya. Ang suliraning pangwika ay suliraning pambansa. Kung kaya’t kami sa Sentro ng Wikang Filipino-Unibersidad ng Pilipinas ay  nananawagan na  

          TUTULAN, LABANAN, AT BIGUIN ANG HOUSE BILL 4701!!!      

          IPAGTANGGOL ANG TAGUMPAY NG WIKANG FILIPINO!!!  

          SULONG WIKANG FILIPINO, SULONG SAMBAYANAN!!!   

 

[BALIK]     

 
 
 
   
 
 
 

 Filipinas Institute of Translation, Inc.
Silid 2082, Bulwagang Rizal,
Kolehiyo ng Arte at Literatura
Unibersidad ng Pilipinas
Diliman, Lungsod Quezon, 1101
filipinas.translation@gmail.com
© 2006 ng Filipinas Institute of Translation, Inc.