|
Canvass
ni
Randy David
Hindi lamang dahil nagkaroon tayo ng eleksiyon nitong
2004 kundi dahil naging malawak ang papel ng
“dagdag-bawas” sa nakaraang eleksiyon, kung kaya ang
salitang canvass, para sa akin, ang
pinakamainit na salita sa taong ito.
Mas kilala ito ng mga Filipino na may isang “s” lamang.
Sa ganitong anyo, tumutukoy ito sa isang uri ng
magaspang na tela na ginagamit bilang trapal na panakip,
o kambas para sa isang ipinipintang larawan.
Hindi natin alam kung ang canvass na may dalawang “s” ay
may koneksiyon din sa magaspang na tela, subalit kung
ang pagbabatayan ay ang kasalukuyan nitong gamit sa
politikang Pinoy, tila kagaspangan din ang
ipinahihiwatig nito.
Bukas sa sari-saring gamit ang salitang canvass na may
dalawang “s”. Kung ika’y may binibili, mas mabuting mag-canvass
ka muna upang makatiyak na ang mabibili mo ay ang
pinakamahusay sa pinakamababang presyo.
Pagka-canvass din ang tawag sa pag-aalok ng isang
produkto o serbisyo sa mga mamimili o kliyente.
Halimbawa: Sinasabi ni Keanna Reeves, ang seksing aktres
na dating nagtrabaho bilang “escort girl,” na siya raw
ay nakapagcanvass na sa Kongreso.
Sa larangan ng politika, may dalawang tampok na
kahulugan ang salitang canvass. Canvass ang tawag sa
pangangampanya ng isang kandidato o ang pag-akit at
paghingi ng mga boto. Ngunit ang pinakalaganap na
kahulugan ng canvass sa eleksiyon ay masusing pagkilatis
ng mga dokumentong naglalaman ng resulta ng eleksiyon.
Sa ganitong gamit, ang kaugnay na salitang dating
naririnig sa panahon ng eleksiyon, ayon kay Dr.
Bienvenido Lumbera, ay “iskrutinyo” (scrutiny).
Kapag ang isang mamimili ay nagka-canvass ng mga bilihin,
hindi lamang ang presyo ang kaniyang sinisiyasat kundi
ang kalidad at kaangkupan nito sa mga espesipikasyong
kaniyang hawak. Dapat lamang asahan, kung gayon, na ang
masinsinang pagkilatis ay lalo pang bahagi ng proseso ng
canvassing sa eleksiyon. Wala akong intensiyon na itakda
ang buod ng salitang ito, sapagkat sang-ayon ako sa
sinabi ni Wittgenstein na ang kahulugan ng isang salita
ay nasa gamit nito. Gayunman, mainam na balikan ang
iba’t ibang kahulugan nito upang ating maunawaan ang mga
kontradiksiyon ng ating buhay politika.
Sa kasalukuyang takbo ng ating politika, mapapansin ang
unti-unting paglalaho ng isang kahulugan ng canvass na
dati nang bahagi ng lumang gamit nito: ang masusing
pagsisiyasat at pagtatalo ukol sa katotohanan ng mga
dokumento ng botohan. Ang kahulugang pumalit at
nangibabaw ay pagsusuma, pagtatala, o paghahanay ng mga
boto, na dati nang wala sa mga kahulugan ng salitang ito.
Nitong nakaraang eleksiyon, pagkatapos tingnan kung
kompleto ang mga pirma at kung malinaw ang pagkakasulat
ng mga resulta sa “certificates of canvass,” isa sa mga
miyembro ng Congressional o National Canvassing
Committee ay nagsabing, “I move to canvass.” Malinaw sa
ganitong gamit na ang katumbas ng salitang canvass para
sa kanila ay pag-tabulate o pagsusuma.
Sa pananaw ng Kongreso, ang canvassing ay “ministerial”
na gawain lamang—isang mekanikal o administratibong
gampanin na hindi kailangang pag-aksayahan ng panahon.
Ministerial nga marahil ito—maaaring ipagkatiwala sa
isang abang clerk o calculator kung ang tinutukoy ay
paglilista lamang ng mga bilang. Ngunit ang pagtiyak
kung ano ang nararapat isama sa huling bilang ay hindi
gawaing mekanikal. Nagpapahiwatig ito ng masusing
inspeksiyon at pagpapasiya ukol sa katotohanan ng mga
dokumento.
Canvassing, kung gayon, ang tawag sa proseso ng maingat
na pagsiyasat sa dokumento upang matiyak na ito nga’y
tunay. Canvassing din ang tawag sa talakayang nagaganap
bilang bahagi ng pagtatasa sa katunayan ng mga dokumento.
Ang kahulugang ito, na tuluyan nang nawawala, ay may mga
bakas pang naiwan sa ating mga batas. Makikita ito sa
mga salitang “authenticity” at “due execution” na
parehong binabanggit kaugnay ng proseso ng canvassing.
Sa canvassing na naganap nitong nakaraang eleksiyon,
nauwi ang prosesong ito sa botohan sa loob ng komiteng
nagsagawa ng canvass. Iniwasan ang pagbubukas ng mga
resultang galing sa mga presinto na dapat sana’y
magpapatunay sa nilalaman ng mga municipal, provincial,
at city certificates of canvass. Ang bawat pagtutol o
pagpuna sa ayos ng mga certificates of canvass ay binara
ng isang maikling “noted” ng tagapangulo ng komite.
Binigyang-pansin subalit di sineryoso. Hindi raw ito,
anang mayorya, ang tamang forum para magsiyasat ng
dokumento.
Sa ating panahon, kung gayon, maaari kang manalo sa
botohan at matalo sa canvassing. Hindi ito ang lugar
para ipaliwanag kung paanong nangyari ito. Sapat nang
sabihin na dumating na nga tayo marahil sa panahong
tinutukoy ni Jean Baudrillard: “The era of simulation is
inaugurated by a liquidation of all referentials.”
Pinasisinayaan ang pagkukunwa sa pamamagitan ng paglipol
sa mga sanggunian. Bilang kongklusyon, ang aking
masasabi ay: Wala tayong nahalal na pangulo nitong
nakaraang eleksiyon. Mayroon tayong presidenteng
nailusot sa mga butas ng magaspang na canvas(s). |