| |
Datíng
ni
Bienvenido Lumbera
Pagtatanghal Sa Salitang Datíng
Sisipiin ko ang ilang bahagi ng aking sanaysay na may
pamagat na “Datíng”: Panimulang Muni sa Estetika ng
Panitikang Filipino” na lumabas sa dyornal na Lagda
(Blg. 1, 1999, pp. 33-42):
Sa ating paglilinaw sa estetika ng panitikang Filipino, may
salita tayo na maaaring gawing susi sa pagbubukas ng
talakayan tungkol sa mga sangkap ng estetikang nasabi.
Iyon ay ang salitang datíng. Noon ay ugat ito na ang ibig sabihin ay ang kaganapan ng
paglalakbay mula sa pinanggalingan tungo sa pupuntahan.
Hindi pa kalaunan nagsimulang gamitin ang salita sa
di-pormal na kumbersasyon upang tukuyin ang impresyong
naiiwan sa isang tao ng pagmumukha, bihis, pananalita,
at kilos ng isang indibidwal. Halimbawa, ‘Suplada ang
datíng ng kaibigan mo.’ Pansinin na ang batayan ng
pahayag ay mga larawan at tunog ng mga kongkretong bagay
na pumasok sa kamalayan ng nagsasalita sa pamamagitan ng
paningin at pandinig.
Kapag nahaharap tayo sa isang likhang-sining, sa ganyan ding
paraan pumapasok sa ating kamalayan ang mga katangiang
umaakit na magustuhan o ayawan natin ang trabaho ng
manlilikha. Ang isang painting, tugtugin, o pagtatanghal
ay dumarating sa audience na nakaabang, parang
destinasyon sa isang paglalakbay, sa magaganap sa
kamalayan nito. Ang kaganapan ng pagsapit ng likha, ang
dating ng likha, ay tinutugon ng nagmamasid sa
painting, nakikinig sa tugtugin, at nanonood ng
pagtatanghal. Sa pagtugon sa dating ng likha,
nagbibitiw ang audience ng pahayag ng pagkatuwa,
pagkasiya o paghanga. Kapag sinuri natin ang relasyon ng
audience at ng likhang dumating, simula iyon ng
paglilinaw sa estetika ng nasabing likha.”
Palasak na salita ang datíng . Hinango ito sa kolokyal na
kumbersasyon at binigyan ng natatanging kahulugan upang
makatulong sa pagpapaliwanag sa bisa ng likhang-sining
sa kamalayan ng indibidwal. Kailangang makahanap sa
katutubong wika ng mga terminong maglilinaw sa estetika
ng likhang-sining ng mga Filipino. Hangga’t hindi iyan
nagagawa ng mga kritiko at teorista natin, mangyayaring
ang mga pamantayang ipinansusukat sa likhang Filipino ay
pamantayang nakalangkap sa mga hiram na dayuhang termino,
at angkop lamang sa mga likhang dayuhan. |