|
Fashionista
ni
Jimmuel C. Naval
Fashionista Ka Ba o Fashionista Ka Lang?
Nakasampa ka na ba sa rampa? O para mas tiyak, rumampa
ka na ba? Nakapanood ka na ba ng tumutulay sa catwalk o
hanggang Catwalk sa kahabaan ng Quezon Avenue
lang ang narating mo? Tagasunod ka ba ng Fashionista sa
MTV sa Miami, Paris, at Rio sa Brazil, o hanggang
Fashion Channel ka lang para panoorin ang mga posteng
modelong halos wala nang damit? Ang mga ito ang daigdig
ng mga fashionista.
Kilala mo ba ang magkapatid na Tutay at Tinay Ocampo na
dating pakalat-kalat sa AS walk sa UP? Kamaganak ba nila
ang mga Anonymous na sina Rico at Celina Ocampo?
Isinusuot ba ninyo si Ben Chan, at ipinanggigimik
ang mga abubot ni Jolina? Palo ba kayo sa mga siste’t
pagiinarte nina Robby at Rissa Mananquil? Siyempre,
sinong hindi makakikilala kina Tessa Prieto Valdez at
Tim Yap ng Super B? FYI, sila ang mga fashionista.
Sino, Ano Paano, Saan, Bakit, Kailan ang Fashionista?
Walang nakaaalam kung paano at kailan eksaktong
nagsimula ang kasaysayan ng pagbuo ng mga salitang
katulad nito. Ngunit ang sigurado, may mga lumikha ng
mga kakatwang tunog at nagkabit-kabit ng mga letra sabay
humimay sa kung ano ang nais ipakahulugan sa mga ito.
Kung bibigyan ng pilosopikong pagsusuri ang salitang
fashionista tulad ng iba pang salita, lalabas
na arbitraryo ito, kumbensiyonal, at pangkulturang
simbolo. Nalikha ito upang arbitraryong mailarawan ang
isang kumbensiyong binuo o nabuo upang magsulong o/at
magpasimula ng isang pangkulturang pagbabago. Gaya ng
minsang nasabi ng kilalang pilosopo ng ika-20 siglo na
si Ludwig Wittgenstein: “ang paggamit ng salitang tulad
nito ay isang aktibidad na maaaring magpakita ng isang
anyo ng buhay.” Ito ang nais tukuyin ng sandaling-suring
ito—ang busisiin ang laro sa lengguwahe (language game)
na makikita sa paggamit ng salitang fashionista.
Ang fashionista ay mula sa salitang ugat na fashion
na ang ibig sabihin ay umiiral na uso o moda na
maaaring sa pananamit, kultura, at kaugalian. Dinagdagan
ito ng morfema espańol na ista para maging
pang-uri, bagama’t tumutukoy rin itong tumukoy sa
paglalarawan ng isang lalang o sa lalang mismo.
Ang salitang fashionista ay hindi na bago. Matagal na
itong ginagamit at umiiral. Bukambibig na ito ni Pitoy Moreno
noong 1967 nang una niyang nakita si Imelda Marcos sa
isang piging na dinaluhan sa bakuran ni pangalawang
pangulong Fernando Lopez sa Jaro, Iloilo. Nang sambutin
ni Christian Espiritu ang responsabilidad na magdisenyo
ng mga terno ni Ginang Marcos, ang salitang fashionista
ay natabunan ng bagong salita noon na “Meldita” o mas
kilala sa Oxford
Dictionary na “Imeldific.”
Subalit ang fashionistang tinutukoy at sumulpot ngayon,
una sa daigdig ng mga magdidisenyo, modista, at sastre;
at ikalawa sa daigdig ng showbiz lalo na yaong
nagmomodelo at rumarampa, ay unang narinig at ipinakalat
sa labas ng bansa. Nagsimula bilang “Catwalk Fashionista,”
una itong narinig sa mga gusali ng sentrong aliwan sa
kabayanan ng Sao Paulo
at Rio de Janeiro sa Brazil. (Marahil kung bakit
binuntutan ng ista dahil narinig sa bansang
nagsasalita ng Espanyol). Nang lumao’y tumawid ito sa
France, Italy,
at Germany. Noong kalagitnaan ng dekada 1990, pumirmi
ito sa Berlin na itinuring na Fashionista Capital.
Sa Filipinas, muling dumating ang salita at kalakarang
ito nang damputin nina VJ Donita Rose at Sarah Meir sa
Fashionista MTV sa Amerika. Dulot marahil ng pagkaloka
nila sa mga supermodel na sina Naomi Campbell at Cindy
Crawford kaya ginawang pang-araw-araw na bokabularyo sa
TV ang salita. Samantala sa mga fashion magazine, sina
Tessa Prieto Valdez, Tim Yap, Talz Diaz, at Eric Ramos
ng FHM ang may gawa kung bakit kumalat ang salita.
Madaling pumaloob sa daigdig ng showbiz ang salitang
fashionista. Sa mga Gabi ng Parangal lamang ng iba’t
ibang award giving body, bentang-benta na ang salitang
fashionista. Kapag kakaiba ang tabas ng damit,
kumbinasyon ng kulay, o kapag kapansin-pansin ang
kabaduyan ng isang artistang dumalo, tatatakan ka agad
ng “Tigbak Authority” ng Startalk sa GMA7 na
“nag-iinarteng fashionista o pasaway na fashionista.”
Ilan sa mga ito ay ang mga palaos nang nagmumurang
kamyas na artista at mga naglalako ng sarili at talento
na mga starlet.
Sa pagdaan ng panahon, ang salitang fashionista ay
nanganak ng iba’t ibang kahulugan. Fashionista ka hindi
lang dahil kakaiba kang mag-ayos na katulad ni Jolina
Magdangal, kundi dahil nagtatakda ka ng kalakaran na
minsa’y walang kaugnayan sa moda. Maaari ring
humihiwalay sa kumbensiyon at nagpapakilala ng bago at
kakaiba.
Halimbawa, matagal nang itinuring na fashionista ang
bargas at pasaway na dating forward ng Chicago Bulls
na si Dennis Rodman dahil sa pagko-cross dress nito
tuwing gimikan sa Los Angeles
kapag may laro sila sa Staple
Center. Gayundin ang bandang Parokya ni Edgar nang
magdaster sila sa isang gigs sa dating Club Dredd
sa Cubao. Fashionista rin si Kris Aquino dahil sa lakas
ng loob niyang aminin sa national television na may STD
siya.
Ikaw, fashionista ka ba o fashionista lang? Sa wikang
Filipino, uso at umiiral na moda ang pinakamalapit na
salin nito. Kung gagawing pang-uri o itatawag na mismo
sa isang tao, ano nga ba? Puwede bang usowista o modista?
Ang salitang fashionista ay nalikha upang arbitraryong
mailarawan ang isang kumbensiyong binuo o nabuo upang
magsulong o/at magpasimula ng isang pagbabagong
pangkultura. Kaya ang dating fashionista nina Pitoy
Moreno at Christian Espiritu ay kakaiba na sa
fashionista nina Sarah Meir, Tessa Prieto Valdez, at
Eric Ramos na kakaiba rin sa fashionista nina Boy Abunda,
Billy Balbastro, at Lolit Solis sa daigdig ng pelikula.
Kung ikokonsidera ang lawak at lawig ng pagpapakahulugan
dito, maaari na ring ituring na fashionista sina Vim
Nadera, Congressman Manuel ‘Way Kurat’ Zamora, Sen.
Miriam Defensor Santiago, at Chairman Bayani Fernando.
Kayo na ang humula kung bakit isang tipak sila ng mga “fashionista.” |