|
Nais ibalik ng mga
politikong maka-Ingles sa pangunguna ni Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo ang sistema ng edukasyong itinatag ng
mga Amerikano at gumagamit lamang ng Ingles bilang
wikang panturo. Una, kailangan diumano ang Ingles para
higit na matuto ang mga mag-aaral. Ikalawa, kailangan
diumano ang Ingles para sa pambansang kaunlaran.
Sa ganitong paraan,
binalewala ng pangkating Macapagal-Arroyo ang
katotohanan na mas mabilis matuto ang sinumang mag-aaral
kung sariling wika ang gamit sa pagtuturo at pag-aaral.
Nais din nilang balewalain ang mahigit kalahating siglo
nang pagsisikap para palaganapin ang Filipino at
payabungin ito upang maging wikang panturo sa lahat ng
antas at disiplinang pang-edukasyon.
Iwinawaksi din ng
pangkating Macapagal-Arroyo ang katotohanan na ang
paghusay sa Ingles ay walang tahas na kaugnayan sa
pambansang kaunlaran. Maliban kung ang totoong
estratehiyang pangkabuhayan ng administrasyon ay ipadala
ang lahat ng edukadong Filipino bilang OCW o maging
empleado sa call centers. Ang pagpapaalipin ba sa mga
banyaga ang ating adhikang pambansang kaunlaran? Ang
export ba ng mga manggagawa’t edukado ang tanging lahok
natin sa globalisasyon?
Para totoong umunlad ang
Filipinas, kailangang gamitin ang lakas ng mamamayan
tungo sa matalinong paggamit ng likas na kayamanan,
pagpapaunlad ng negosyo, at pagbuhay ng mga industriya.
Kaya kailangang mabilisang matuto ang mga mamamayan ng
mga kailangang kaalaman at kasanayan para sa naturang
mga gawaing pangkabuhayan. At magaganap ito kahit hindi
Ingles ang wikang panturo. Ang totoo, higit na mabilis
na magkatotoo ito kung Filipino ang wikang panturo.
Filipino, hindi Ingles, ang
tunay na epektibong wika ng edukasyon!
Filipino, hindi Ingles, ang
tunay na wika ng pambansang kaunlaran! |