| |
Jologs
nina
Alwin Aguirre at Michelle Ong
Noong dekada 1970, may isang salita na kinilala ng lahat
bilang pang-uri ng lahat ng bagay na hindi nakaabot sa
mga kinikilalang pamantayan ng kagandahan at kahusayan;
iyong nagsikap pero kinapos, iyong nanggaya pero di
nakuha, iyong inunawa ang mga pamantayang ito pero
nagkamali pa rin—ang “bakya,” na noong dekada 1980 naman
ay naging “baduy.”
“You’re so baduy” kapag masang-masa, kapag pelikula ni
Nora, kapag malabo ang japorms, kapag ayaw kang payagan
ng ermats na makitipar. Kapag baduy ka, mayroong isang
bagay na hindi ka—burgis. Hindi sosyal, hindi mataas ang
pinag-aralan, hindi pino, hindi mayaman, hindi maganda’t
guwapo, hindi makapag-Ingles nang diretso. Pero dagdag
pa, kapag hindi ka burgis, alam mo ang buhay at hinagpis
ng nakararaming kababayan mong Filipino. Hindi ka burgis;
hindi ka nagbubulagbulagan sa nangyayaring mga pang-aabuso
ng makapangyarihan.
Bagama’t tinitignan ang baduy bilang kadikit ng pagiging
mahirap at mahina, ito ay salitang nagdala ng
kapangyarihan. Marami ang naipagmalaki na sila ay baduy,
sila ay masa, at hindi burgis. Siguro kung mayroong
nominasyon noon para sa “Salita ng Taon,” ito na ang
tiyak na panalo.
Kaya’t ngayong 2004, isang salitang naiiba ngunit may
katulad na kapangyarihan ang aming isinusulong bilang
Salita ng Taon. Ang Bagong Baduy—ang jologs.
Sinasabing tumutukoy ang jologs sa fans ni Jolina
Magdangal na epitome ng pagka-jologs. Parang buhok na
ginawang krismas tri. May nagsasabing galing ito sa
“tuyo at itlog,” na karaniwang ulam ng karaniwang
mahihirap na Pinoy.
Nararapat lang na kilalanin sa kasaysayan ang salitang
jologs. Ang jologs—binabaklas, binabangga, binubulabog
ang nakagawiang mga dikotomiya ng mataas at mababa, ng
maganda at pangit, ng sining at kulturang popular.
Inaalis nito ang pananalig natin sa pagkakaroon ng
absolutong kahulugan at kaayusan ng mga bagay-bagay.
Sabay nito, tinutulay ng jologs ang magkabilang dulo ng
mga dikotomiyang ito.
Jologs ba si Nora Aunor na nakatanggap na ng kung ilang
ulit ng mga parangal para sa kanyang pag-arte? Hindi ba
jologs sina Imee Marcos, Kris Aquino, Mikee Arroyo na
mga anak-mayaman at politiko na nagkaroon ng mga
(sawing) showbiz career? Ang maganda sa jologs, hindi mo
alam kung maganda ba talaga ito o pangit. Ang masama,
mainam nga ba ito o masama? May mga naiinsulto kapag
tinatawag silang jologs, dahil nangangahulugan ito ng
kawalan ng class at taste. Pero ganoon
din, may mga taong tinatawag ang sarili na jologs at
ipinagmamalaki ito, dahil nangangahulugan ng pagkakaroon
ng panlasa at pagkilala para sa karanasan ng simple at
karaniwang tao.
At tulad ng postmordernong chuvalu, ang jologs o
jologyolismo, kung ito’y ituturing na isang diskurso, ay
isang kakampi at kalaban. Maaaring magamit sa kasamaan
at sa kabutihan. Kapangyarihang magwasak at lumikha,
magbigay direksiyon o magdala sa wala. Keri ba ito o
tsugi?
Ang salitang jologs ay may kapangyarihan na dapat
kilalanin at purihin. Hindi lamang ito salita ng taon
kundi potensiyal na kontra-diskurso ng kasalukuyang
panahon. Kami, sampu ng iba pang mga jologs sa
sangkalupaan, ay humihingi ng pagkilalang napapanahon na,
at nanghihimok, nananawagan, para sa higit pang
kapangyarihan: ALL JOLOGS UNITE!!! |