|
I. Ang Sitwasyong Pangwika sa
Sistemang Pang-edukasyon
1. Ano ang sinasabi ng
Konstitusyon tungkol sa wika ng ating sistemang pang-edukasyon?
Isinasaad sa Artikulo XIV, Seksiyon 6
na:
Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay
Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin
at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas
at sa iba pang mga wika.
Alinsunod sa mga tadhana ng batas at
sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso,
dapat magsagawa ng hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod
at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang
midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng
pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.
Sa Seksiyon 7, isinasaad naman ang
ganito:
Ukol sa layunin ng komunikasyon at
pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino
at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.
Ang mga wikang panrehiyon ay
pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at
magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.
2. Nasunod ba ang probisyon
tungkol sa wikang panturo? Ano ang umiiral na patakarang
pangwika sa sistemang pang-edukasyon?
Hindi. Sa kasalukuyan, umiiral pa rin
ang bilingguwal na patakaran sa edukasyon. Ito ang
pagtuturo ng Filipino at Ingles bilang mga aralin, at
paggamit sa dalawang wikang ito bilang wikang panturo.
3. Ano ba ang Patakaran sa
Edukasyong Bilingguwal ng 1987?
Ang Patakaran sa Edukasyong
Bilingguwal ng 1987 ay naglalayong pahusayin ang kasanayan
sa Filipino at Ingles sa pamamagitan ng pagtuturo ng
dalawang wikang ito at sa paggamit ng mga ito bilang mga
midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas. Mithiin ng bansa na
makapag-angkin ang mga mamamayan nito ng kasanayan sa
Filipino upang magampanan nila ang kanilang mga tungkulin
bilang mga mamamayan, at sa Ingles upang makatugon sa mga
pangangailangan ng bayan sa komunidad ng mga bansa.
4. Humina nga ba ang pagkatuto ng
ating mga estudyante sa Ingles dahil sa patakarang
bilingguwal?
Ang totoo, walang mapagkakatiwalaang
pag-aaral na nagpapakitang humina ang ating mga estudyante
sa Ingles dahil sa patakarang bilingguwal. Ang mga
akusasyon laban sa Filipino ay sumasalamin lamang sa
malalim na prehuwisyo ng mga maka-Ingles.
Kung sakali man, ayon sa mga
dalubhasa sa pagtuturo ng wika, maaaring humina ang mga
estudyante kapuwa sa Ingles at Filipino. Paliwanag nila,
dumaranas ng subtractive bilingualism sa halip na additive
bilingualism ang estudyante. Masyadong maagang itinuturo
sa bata ang pangalawang wika kaya sa halip na maging tunay
na bilingguwal ay nagiging mahina siya sa dalawang wika—sa
pangalawa at kahit pa sa unang wika. Ang dapat nangyari ay
patatagin muna ang kasanayan niya sa akademikong paggamit
ng kaniyang unang wika bago ituro ang pangalawang wika.
Maraming pag-aaral ang nagpapatunay na mas mabisa at
mabilis na matuto ang bata ng pangalawang wika kung
matatag ang pundasyon niya sa unang wika. Kasunod nito,
mas madaling matutuhan ng mag-aaral ang iba pang aralin
kapag itinuro ang mga ito gamit ang wikang alam niya.
II. Mga Hakbang Laban sa Filipino
1. May ginawa na ba ang kasalukuyang
pamahalaan para tupdin ang probisyong pangwika sa
Konstitusyon?
Wala. Ang totoo, ang mga hakbang na
ginagawa ng kasalukuyang pamahalaan ay taliwas pa nga sa
itinatadhana ng Konstitusyon.
2. Ano-ano ang mga bagong hakbang
ng pamahalaan na salungat sa itinakda ng Konstitusyon?
Kailan lang ay iniutos ni Pangulong
Gloria Macapagal Arroyo na ibalik ang Ingles bilang
pangunahing wikang panturo.
Pagkaraan, naglabas naman si
Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng kautusang may pamagat
na “Establishing the Policy to Strengthen the Use of
English as a Second Language in the Educational System”
(Executive Order 210). Nilalayon nitong palakasin ang
Ingles sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mas maraming oras
sa paggamit ng Ingles bilang wikang panturo.
Nitong huli, isang panukalang batas
ang inihain sa Kongreso na may pamagat na “An Act
Providing for the Use of English as a Medium of
Instruction in Philippine Schools.” Ipinapanukala nito na
gawing Ingles ang midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas
simula unang baitang. Sa ika-12 Kongreso, inihain ito ni
Representante Jose R. Gullas at nakapasa na sa ikalawang
pagbasa. Naabutan ito ng pagsasara ng Kongreso, kaya sa
pagbubukas muli ng mababang kapulungan, inihain itong muli
bilang House Bill No. 1652 ng kapatid niyang si
Representante Eduardo R. Gullas.
Sa Maynila, ipinag-utos ni Mayor Lito
Atienza na Ingles ang maging pangunahing wikang panturo sa
mga paaralan. Bilang pagsunod dito, nagtakda ng “English
Zones” ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Sa mga sonang
ito, Ingles lamang ang ipinagagamit na wika ng
komunikasyon.
3. Ano ang isinasaad sa Executive
Order 210?
Ilan sa pinakamahahalagang isinasaad
ng EO 210 ay ang sumusunod:
-
English shall be taught as a
second language at all levels of the educational system,
starting with the First Grade;
-
English should be used as the
medium of instruction for English, Math, and Science
from at least the Third Grade level;
-
The English language shall be used
as a primary medium of instruction in all public
institutions of learning at the secondary level;
-
As the primary medium of
instruction, the percentage of time allotment for
learning areas conducted in the English language in high
school is expected to be not less than seventy percent
(70%) of the total time allotment for all learning
areas;
-
… the Filipino language shall
continue to be the medium of instruction in the learning
areas of Filipino and Araling Panlipunan.
Samakatwid, walang binabagong patakaran sa
elementarya. Ngunit sa mataas na paaralan, ginagawang
pangunahing midyum ng pagtuturo ang Ingles sa pamamagitan
ng pagdaragdag ng oras sa paggamit sa wikang ito bilang
wikang panturo.
4. Kung gayon, bakit pinamagatang
“Establishing the Policy to Strengthen the Use of English
as a Second Language in the Educational System” ang EO210?
Batay sa pamagat, pinalalakas ang
paggamit ng Ingles bilang pangalawang wika sa sistemang
pang-edukasyon, ngunit kapag sinuri ang nilalaman ng EO,
pinalalakas nito ang paggamit ng Ingles bilang pangunahing
wikang panturo. Marahil, ang pamagat ay paraan para
lusutan ang probisyong pangwika sa Konstitusyon na
nagtatakda sa pamahalaan na gumawa ito ng hakbang para
puspusang gamitin ang Filipino bilang pangunahing wikang
panturo.
5. Kung hindi pangunahing wika,
ano nga ba ang mas tamang pagkilala sa Ingles sa
kasalukuyang sitwasyong pangwika sa bansa?
Sa kasalukuyang kalagayan, ang lingua
franca sa buong bansa ay Filipino, kaya ang Filipino ay
lumilitaw na ikalawang wika sa mga pook na di Tagalog. Sa
gayon, ang pagsasabi na Ingles ang pangalawang wika ay
isang paraan ng subersiyon sa kasalukuyang estado ng
Filipino sa mga rehiyong di Tagalog. Ang dapat mangyari ay
ituring ang Ingles bilang pangatlong wika o higit na
angkop, bilang isang banyagang wika.
6. Ano naman ang ipinapanukala sa
Gullas Bill o House Bill 1652?
Ilan sa mahahalagang panukala ng
HB1652 ang mga sumusunod:
-
The medium of instruction in all
curricular levels beginning in Grade I shall be English,
Provided That in Grades I and II, the regional language
may be used as auxiliary language of instruction;
-
English and Filipino shall be
taught as separate subjects in all grade levels in the
elementary and in the high school levels.
Sa
panukalang batas na ito, tinatapos na ang paggamit ng
Filipino bilang wikang panturo. Ang Filipino ay mananatili
na lamang bilang isang aralin.
7. Ano ang katwiran ni Pangulong
Arroyo sa pag-uutos na ibalik ang Ingles bilang
pangunahing wikang panturo?
Pinansin ng Pangulo na humihina
diumano sa Ingles ang mga ating mga estudyante. Nagulat
siya nang kaniyang malaman na maraming job vacancies sa
mga call center ang di napupunan dahil bumabagsak sa
eksaminasyon sa Ingles ang mga aplikante. Dagdag pa niya,
Ingles ang wika ng Information and Communications
Technology o ICT. Ang solusyon ng Pangulo sa problema ay
ang pagpapalakas sa Ingles bilang wikang panturo.
8. May batayan ba ang Pangulo sa
pagsasabing humihina sa Ingles ang ating mga estudyante?
Walang kongkretong batayang inihapag
ang pamahalaan para patunayang humihina sa Ingles ang
ating mga estudyante. Ang pagbagsak sa eksaminasyon ng mga
aplikante sa mga call center lamang ang ipinahayag na
dahilan ng Pangulo para iutos niya ang pagpapalakas ng
pagtuturo ng Ingles sa pamamagitan ng paggamit dito bilang
pangunahing midyum ng pagtuturo.
9. May batayan din ba ang
sinasabing paghina ng Ingles dahil sa wikang Filipino?
Mas lalong walang batayan ang pahayag
na ito. Wala pang kongkretong pag-aaral na nagpapatunay na
hadlang ang paggamit ng unang wika sa pagkatuto ng
pangalawang wika. Sa katunayan, naniniwala ang mga
edukador sa wika na makatutulong pa nga ang unang wika sa
mabilis at mabisang pagkatuto ng pangalawang wika.
10. Kung gayon, wala pa palang
kongkretong batayan ang pamahalaan para sa isang
napakahalagang pagbabago ng patakaran tungkol sa edukasyon?
Tama. Napakalaki at napakahalagang
pagbabago ng patakaran ang ipinahayag ng Pangulo tungkol
sa wikang panturo. Dapat sana ay nakabatay ito sa isang
malawakan, sistematiko, at siyentipikong pag-aaral,
pagsusuri, at pagtatasa hinggil sa wikang panturo sa
sistemang pang-edukasyon.
Dahil sa direktibang ito ng Pangulo,
napaghahalata tuloy na walang malinaw at pangkabuuang
bisyon ang pamahalaan hinggil sa pagpapahusay ng ating
sistemang pang-edukasyon. Kapapatupad pa nga lamang ng
bagong kurikulum, papatapos pa lamang ang pagsulat ng mga
teksbuk sa bagong asignaturang Makabayan, nagsasanay pa
lamang ang mga guro, ay may paiiralin na namang bagong
patakarang pangwika. Nagiging biktima lamang ang mag-aaral
at guro sa pabago-bagong isip, kapritso, at sumpong ng
ating mga pinunong bayan.
11. Hindi ba makabubuti ngang
palakasin ang Ingles bilang wikang panturo para humusay
ang ating mga estudyante sa wikang ito?
Magkaibang usapin ang pagpapahusay ng
pagtuturo ng Ingles at ang pagpapalakas dito bilang
wikang panturo. Sa katunayan, ang maagang paggamit ng
Ingles bilang wikang panturo ay hindi lamang nakasasama sa
pagkatuto ng Ingles kundi maging sa pagkatuto ng mga
araling itinuturo sa wikang ito. Kung gagamit ng wikang
banyaga bilang wikang panturo, magkasabay lamang na
mahaharap ang mga estudyante sa suliranin ng pagkatuto ng
aralin at ng banyagang wika.
Bukod dito, kapag hinayaan ang mga
gurong hindi bihasa sa paggamit ng Ingles na gamitin ang
wikang ito bilang wikang panturo, malalantad lamang ang
mga estudyante sa di maayos na paggamit ng wikang Ingles.
Sa gayon, hindi na nga matututo ang mga estudyante ng
wikang Ingles, hindi pa sila matututo ng mga araling
itinuturo sa wikang ito.
12. Hindi ba Ingles naman talaga
ang wika ng Information and Communication Technology?
Hindi rin totoo na ang Ingles ang
eksklusibong wika ng ICT. Mismong DepEd, sa pamamagitan ng
Kautusang Pangkagawaran Blg. 54, s. 1987 ang nagsabing
“... (pananatilihin ang Ingles) bilang di-eksklusibong
wika ng agham at teknolohiya...”.
Maoobserbahan din ngayon sa internet
na dumarami na ang mga nagsasalin ng nilalaman nito sa
iba’t ibang wika ng daigdig tulad ng Aleman, Espanyol,
Hapones, Pranses, Ruso, Tsino, at iba pa.
Isa pa, sa isang pananaw, ang wika ng
ICT ay isa talagang bago at naiibang wika. Ang mga
salitang “escape,” “enter,” “control,” “bold,” “window,”
“save,” at marami pang iba ay may kahulugang iba sa
karaniwan at nakagawiang gamit ng mga salitang ito. Dahil
dito, hindi dapat mangamba kung tutumbasan sa Filipino at
kakailanganing pag-aralang muli ang mga salitang ito.
13. Hindi ba kailangan ngang
palakasin ang Ingles para makakuha ng magandang trabaho
ang mga estudyanteng nagtatapos ng pag-aaral?
Sa trabaho, ang pangunahing kailangan
ay hindi Ingles kundi karunungan. Nakapanggagamot ang mga
doktor, nakapagdidisenyo ng mga bahay at gusali ang
arkitekto, nakapagpoprograma sa computer ang mga eksperto
hindi dahil sa kasanayan nila sa Ingles kundi dahil sa
karunungan nila sa kanilang disiplina.
Kung gagamitin ang Filipino, ang
wikang alam ng nakararami, kahit ang karaniwang magsasaka
at mangingisda ay magiging mahusay na magsasaka at
mangingisda. Mas mahihikayat siyang mapaunlad ang kaniyang
kabuhayan sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral.
Makaiiwas na rin siya na madaya at mapagsamantalahan.
14. Ngunit sinasabing Ingles ang
susi ng karunungan?
Anumang wika ay imbakan ng
karunungan. Ang Ingles ay isa lamang sa mga ito. Ngunit
hindi dapat isipin na sa Ingles lamang mabubuksan ang
kaban ng pandaigdigang kaalaman. Sa katunayan, ang
di-makatwirang pagbibigay-diin natin sa Ingles ay
naglilimita sa karunungang maaari nating pakinabangan sa
ibang pangunahing wika ng daigdig tulad ng Aleman,
Espanyol, Hapones, Pranses, Ruso, Tsino, at iba pa.
Ang wikang Filipino ay may kakayahan
ding maging imbakan ng karunungan. At bahagi ng ating
ganap na intelektuwal na paglaya ang patuloy na
pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Filipino bilang tunay na
wikang akademiko.
15. May mga trabaho naman talagang
nangangailangan ng kasanayan sa Ingles?
Tama. Kailangan naman talagang
sanayin at dagdagan ang kaalaman sa Ingles ng mga
mangangailangan nito. Di talaga dapat pabayaan ang
pagtuturo at pagkatuto ng Ingles. Ngunit hindi lahat ng
trabaho ay mangangailangan ng Ingles. Kaya naman dapat
ituon ang reporma sa buong sistemang pang-edukasyon at
hindi sa pagpapahusay lamang ng Ingles. Ang puspusang
pagtuturo ng Ingles sa ilang mangangailangan nito ay
maaaring tupdin sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang
sentro ng kahusayan sa pagtuturo ng Ingles na puspusang
magsasanay sa iilang mangangailangan nito. Maaari ring
bumuo ng espesyal na sabjek sa mga paaralan na sadyang
tututok sa pagtuturo ng Ingles sa mga interesadong
mag-aaral.
16. Hindi ba makatwiran ngang
pahusayin ang mga estudyante sa Ingles upang kagyat na
matugunan ang pangangailangan ng mga call center?
Hindi ito makatwiran. Ang
pangangailangan sa mga kababayan nating mahusay mag-Ingles
para punan ang mga posisyon sa mga call center ay
pansamantala at limitado lamang. Ang totoo, may 40,000
hanggang 60,000 trabaho lamang ang naghihintay sa mga call
center. Hindi makatwirang ibatay ang patakarang pangwika
ng buong sistemang pang-edukasyon sa kakarampot na
trabahong ito lamang.
Ang mas mahalagang punto kaysa rito,
dapat usigin ang pamahalaan kung tinitingnan nito na ang
layunin ng sistemang pang-edukasyon sa bansa ay ang
magsanay ng mga operator na maninilbihan sa mga call
center sa halip na pumanday ng mga intelektuwal na
magiging propesyonal, siyentista, at iskolar sa
kani-kanilang larangan.
17. Hindi ba Ingles naman talaga
ang pandaigdigang wika, ang wika ng globalisasyon?
Ipinaliliwanag ng mga iskolar sa wika
at globalisasyon ang isang bagong lingguwistikong kaayusan
sa panahon ng globalisasyon. Ngayon, sabay-sabay na
dinidevelop ang pandaigdigang wika, rehiyonal na wika, at
lokal na wika. Ingles nga ang umiiral na pangunahing
pandaigdigang wika. Ngunit nadedevelop din ang mga
panrehiyong wika o wikang magsisilbing lingua franca ng
magkakalapit na bansa. Lumalakas din ang mga kilusan para
sa preserbasyon ng mga lokal na wika. Samakatwid, may
pandaigdigang wika tayo para sa komunikasyong pandaigdig.
May rehiyonal na wika tayo para sa mas rehiyonal na
panlipunang interaksiyon. At may mga lokal na wika tayo
para sa mga panloob na inter-aksiyon at proseso na tutugon
sa mga batayang pangangailangan sa wika, kasama na rito
ang edukasyon. Ibig sabihin, kailangan nating matutuhan
ang wikang tutugon sa iba’t iba nating pangangailangan.
Para sa komunikasyong panlabas, ang Ingles at iba pang
wikang pandaigdig at panrehiyon; para sa edukasyon, ang
wikang higit na maiintindihan ng ating mga estudyante—ang
wikang Filipino.
18. Ano nga ba ang dapat na
maging layunin ng sistemang pang-edukasyon?
Dapat na magpalakas ng ating
pambansang kakayahan ang sistemang pang-edukasyon sa
bansa. Dapat itong pumanday ng mga estudyanteng mapanuri
at malikhaing mag-isip. Dapat itong magluwal ng henerasyon
ng mahuhusay at matatalinong mamamayan na magtatayo ng mga
industriya, mamumuno ng mga negosyo, at gagawa ng mga
paraan upang magdulot ng marangal na ikabubuhay sa
sambayanan. Hindi nito dapat na maging layunin lamang na
magsanay ng mga domestic helper, construction worker,
caregiver, at operator sa mga call center.
19. Kung gayon, ano ang dapat na
maging hakbang ng pamahalaan hinggil sa wikang panturo sa
sistemang pang-edukasyon?
Malinaw ang isinasaad ng
Konstitusyon: “dapat magsagawa ng hakbangin ang Pamahalaan
upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng
Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at
bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”
Kailangan ding bumalangkas at
magpatupad ng malawakan at sistematikong programa ang
Kagawaran ng Edukasyon at Komisyon para sa Lalong Mataas
na Edukasyon tungo sa puspusang paggamit ng Filipino sa
lahat ng antas at disiplina.
Kailangan ding pagkalooban ng
malaking suporta ang Komisyon sa Wikang Filipino para
epektibong matupad nito ang misyon at mga tungkulin nito
bilang pangunahing ahensiyang pampamahalaan na magsusulong
ng wikang Filipino.
III. Ang Filipino Bilang Wika ng
Edukasyon
1. Bakit kailangang gamitin ang
Filipino bilang wika ng edukasyon?
Kailangang gamitin ang Filipino
bilang wikang panturo dahil sa wikang ito pinakamabisang
matututo ang ating mga estudyante. Ang katotohanang ito ay
kinilala na sa Konstitusyon nang itakda rito na maging
wika ang Filipino ng sistemang pang-edukasyon.
Bukod dito, kapag ginamit ang
Filipino bilang wikang panturo, natututo ang mag-aaral at
natututuhan din nila ang nilalaman ng ating kultura—ang
kaluluwa ng ating pagkabansa. Ang pinapangarap ng
pamahalaan na matatag na Republika ay matatamo lamang
kapag nauunawaan at minamahal ng sambayanan ang kanilang
sariling kultura.
2. Baka mabisa lamang ang Filipino
sa mga Tagalog. Hindi ba para sa mga di-Tagalog, ang
Filipino ay maituturing ding wikang banyaga?
Iisang pamilya ang lahat ng
katutubong wika ng bansa. Sa diksiyonaryo, halimbawa, ni
Panganiban (1972), nakapaglista siya ng mahigit 27,000
pangunahing lahok at sa mga ito, mahigit 11,000 ang may
kogneyt sa pinili niyang 12 wikang katutubo sa bansa bukod
pa sa mahigit 12,000 homonim ngunit di-singkahulugan. Kaya
napakabilis matututo ng Filipino ang isang Ifugaw o Tausug
kompara sa paghihirap niyang matuto ng Ingles o anumang
wikang di-kapamilya ng mga wika natin.
Filipino ang totoong lingua franca ng
Filipinas. Sa isang survey ng Pamantasang Ateneo de Manila
noong 1989, lumitaw na 92% ang nakaiintindi ng Tagalog sa
buong bansa, 88% ang nakababasa nito, 83% ang
nakapagsasalita nito, at 81% ang nakasusulat nito. Lumitaw
rin na 51% lamang ang nakaiintindi ng Ingles. Noong 1989
pa ang estadistikang ito. Tiyak na mas tumaas pa ang
nakaiintindi at nakagagamit ng Filipino dahil sa mga
sosyal at lingguwistikong salik na tumutulong sa
paglaganap ng isang wika tulad ng mga midya,
transportasyon at komunikasyon, pandarayuhan, sentro ng
populasyon, edukasyon, at iba pa.
3. Kailangan daw ang Ingles dahil
nakasulat sa wikang ito ang mga aklat sa lahat halos ng
disiplina lalo na sa matematika at siyensiya. Totoo ba
ito?
Nakasulat nga ang napakaraming aklat
lalo na sa matematika at siyensiya sa wikang Ingles.
Mapakikinabangan natin ito sa pamamagitan ng pagsasalin sa
wikang Filipino. Dapat din nating isalin ang mga aklat na
nakasulat sa iba pang pangunahing wika ng daigdig upang
mabuksan sa atin ang mga kaalamang nakaimbak sa mga aklat
na ito.
4. Káya ba talagang magamit ang
Filipino para magpahayag ng mga konsepto sa agham at
teknolohiya? Maaari nga bang gamitin ang Filipino sa
matataas na disiplina?
Tandaan: Walang imperyor o superyor
na wika sapagkat bawat wika ay may sistema upang tupdin
ang pangangailangan ng gumagamit nito at upang umunlad
kung nagbabago rin ang buhay at interes ng gumagamit nito.
Walang dudang may mataas nang
kakayahan ang Filipino para sa gamit na siyentipiko at
teknikal. Napatunayan na ng mga saliksik at eksperimento
na puwedeng-puwedeng gamitin ang Filipino sa anumang
disiplina. Sa Unibersidad ng Pilipinas, bukod sa
totohanang paggamit ng Filipino sa mga klase sa agham at
matematika ay nakapaglathala na ng maraming teksbuk sa
iba’t ibang larang akademiko.
5. Magastos kung isasalin pa ang
mga aklat sa Filipino?
Maliit na gastusin lamang ang
pagsasalin ng mga aklat, pati na ang pagsisimula at
pagpapatuloy ng isang malawakang programa ng pagsasalin
kompara sa salapi at panahong naaaksaya kapuwa ng
pamahalaan at mag-aaral dahil hindi nagiging mabisa ang
pagtuturo gamit ang isang wikang banyaga.
6. Sa pamamagitan ng pagsasalin
lamang ba mapayayaman ang kaalaman ng mga mamamayan?
Hindi. Isa pang dapat na maging
layunin ng sistemang pang-edukasyon ay ang pagbuo ng isang
tradisyon ng kapantasan sa iba’t ibang larang. Sa gayon,
hindi na lamang tayo maghihintay ng intelektuwal na biyaya
mula sa ibang bansa kundi tunay tayong mag-aambag sa
pagpapaunlad ng mga disiplina. Mangyayari ito kung
tutuklas at bubuo tayo ng mga teorya, dalumat, at lapit na
hango at sensitibo sa ating karanasan at papanday tayo ng
mga mag-aaral at iskolar na mapanuri at malikhaing
mag-isip.
Sa katunayan, napakarami nang mga
libro’t iba pang babasahing akademiko at siyentipiko ang
nailathala na sa Filipino. Pinatutunayan nito na sadyang
may kakayahan ang wikang pambansa na maging kasangkapan ng
seryoso at intelektuwal na diskurso. Kailangan lamang
pag-ibayuhin ang sigasig sa ganitong gawain, buhusan ng
tangkilik, gantimpala, at puspusang tulong pampananalapi,
at itangi ng higit na makabansang patakarang
pang-edukasyon ng pamahalaan.
Sa buwanang pulong ng Pambansang
Komite sa Wika at Salin (PKWS) ng Pambansang Komisyon para
sa Kultura at mga Sining, binuo ang isang komiteng ad hoc
na susulat ng posisyong papel at kartilya tungkol sa isyu
ng wikang panturo. Binalangkas ng komite na kinabibilangan
nina Prop. Virgilio S. Almario, G. Roberto Anonuevo, Dr.
Lilia F. Antonio, at Dr. Galileo S. Zafra ang isang
resolusyon at borador ng Kartilya ng Wikang Filipino
Bilang Wika ng Edukasyon. Iniharap ang resolusyon at
Kartilya sa dalawang konsultasyon. Una ay sa isang forum
sa Unibersidad ng Pilipinas na dinaluhan ng mga propesor
na kinikilala sa kani-kanilang larangan. Ikalawa ay sa
regular na pulong ng PKWS. Binubuo ang PKWS ng mga
manunulat at iskolar sa wika, gayundin ng mga kinatawan ng
mga akademikong institusyon, samahang pangwika, sentro ng
wika, at ahensiyang pampamahalaan na may kinalaman sa
pagsulong ng wikang Filipino. Ibinunga ng mga
konsultasyong ito ang pinal na bersiyon ng resolusyong may
pamagat na “Itaguyod ang Wikang filipino, Tutulan ang
Executive Order 210” at ng Kartilya.
Mga Lumahok sa Unang Konsultasyon
(Ginanap sa Bagong Gusali ng Kolehiyo
ng Arte at Literatura, Room 201, Unibersidad ng Pilipinas,
Diliman, Lungsod Quezon noong Oktubre 5, 2004)
Anonuevo, Roberto T. (Manunulat,
UMPIL) Antonio, Lilia F. (Direktor, SWF-UP
Diliman) Atienza, Glecy (Tagapangulo,
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas Atienza, Monico (Propesor, DFPP) Alcantara, Ruby G. (Propesor, DFPP) Baquiran, Romulo Jr. (Propesor, DFPP) Covar, Prospero (Professor Emeritus,
Departamento ng Antroplohiya) David, Randy (Propesor, Departamento
ng Sosyolohiya) De Villa, Ma. Theresa L. (Propesor,
UP Integrated School) De Villa, Agerico (Departamento ng
Pilosopiya) Del Pilar, Gregorio (Departamento ng
Sikolohiya) Delima, Purificacion (Direktor,
SWF-UP Baguio) Lumbera, Bienvenido (Professor
Emeritus, DFPP) Maceda, Teresita G. (Propesor, DFPP) Mirinda, Felipe A. (Propesor,
Departamento ng Agham Pampolitika) Naval, Jimmuel C. (Propesor, DFPP) Ocampo, Nilo S. (Propesor, DFPP) Peralejo, Cesar C. (Retiradong Hukom) Regala, Trinidad O. (Propesor,
Dapartamento ng mga Wikang Europeo) Salazar, Zeus A. (Puno, Bahay
Saliksikan sa Kasaysayan) Santos, Ramon (Propesor, Kolehiyo ng
Musika) Tolentino, Rolando B. (Propesor,
Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla) Torres-Yu, Rosario (Propesor, DFPP) Zafra, Galileo S. (Propesor, DFPP)
Mga Lumahok sa Ikalawang Konsultasyon Pambansang Komite sa Wika at Salin
(Ginanap sa Gusali ng Pambansang
Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Intramuros,
Maynila noong Setyembre 3, 2004)
Almario, Virgilio S. (Puno ng PKWS,
Indibidwal na Kasapi) Constantino, Pamela C. (Pangalawang
Puno, Indibidwal) Zafra, Galileo S. (Kalihim,
Indibidwal) Anonuevo, Roberto T. (Kagawad ng
PKWS, Kinatawan ng UMPIL) Antonio, Lilia F. (Kagawad, PSW) Balde, Abdon M., Jr. (Kagawad,
Indibidwal) Baquiran, Romulo Jr. (Kagawad,
SANGFIL) Barcenas, Lourdes U. (Kagawad,
Indibidwal) Capitan, Severino S. (Kagawad, SWF-UP
Los Banos) Coroza, Michael M. (Kagawad, SALIN) Delima Purificacion (Kagawad,
Cordillera Studies Center) Fortunato, Teresita F. (Kagawad,
Indibidwal) Naval, Jimmuel C. (Kagawad,
Indibidwal) Nicolas, Leutoerio (Kagawad,
Filipinas Institute of Translation) Regala, Trinidad O.
(Kagawad, Indibidwal)
|