|
Kinse Anyos
ni
Teo T. Antonio
Naging kontrobersiyal ang ad copy ng Tanduay na
“Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” na nailabas noong
Pebrero 2004. Mula sa wikang Espanyol ang mga salitang
quince at año na pinagmulan ng kinse
anyos. Sadyang nakatanim na sa bokabularyong
Filipino ang pagbilang ng numero sa wika ng mananakop,
mula sa pagbilang ng pera at maging ng edad. Madali
tayong magkaunawaan sa panghihiram nating ito ng
bokabularyo. Ngayon na lamang madalas gamitin ang
pagbilang ng pera o edad sa wikang Ingles gaya
ng “sweet sixteen.” Bukod pa, ang salitang
“fifteen-thirty” na tumutukoy sa mga “ghost employee” ng
gobyerno na sumasahod tuwing akinse at atrenta.
Ang “Kinse anyos sa munting lupa” ay isang awiting
naging napakapopular noong dekada
singkuwenta.Tumatalakay ito sa sentensiya ng taong
mabibilanggo kung sakaling menor-de-edad o wala pa sa
hustong gulang ang nilapastangan. Gaya ng popular na
biruan ngayon na, “Baka ka ma-Echagaray?” kapag may
binibirong menor-de-edad.
Ang kinse anyos noon na babae o lalaki ay wala pang karapatang makihalo sa
usapan ng matatanda. Hindi pa hinog ang kaniyang
karanasan at wala pa siyang sinasabi sa lipunang kanyang
ginagalawan. Nagtatapos sa mababang paaralan ang mga
bata sa edad na dose anyos at disisais anyos sa
pagtatapos ng hay-iskul. Ang kinse anyos ay tinatawag na
binatilyo kapag lalaki, dalaginding o dalagita kapag
babae. Hindi pa sila ganap na binata o dalaga na
binibigyan ng karapatang makilahok sa usapan ng
matatanda at malayang makapagpasiya sa sarili. Kapag
umabot na sila sa gulang na disiotso anyos ay puwede
nang bumoto at tatawagin nang nasa legal na edad.
Ang ginamit na ad copy ng Napoleon Brandy na “Nakatikim
ka na ba ng kinse anyos?” sa malaking tarpaulin o
billboard ay naging mainit ang isyu. Nanguna ang
kilusang Gabriela na ipagtanggol ang dangal ng
kababaihan. Isa raw itong paglapastangan sa
kawalang-malay ng kabataang babae na wala pa sa hustong
gulang. Sa ilalim ng ating pamahalaang demokratiko, may
karapatan ang lahat na tumuligsa o magtanggol sa
inaakala nilang mali
o tama.
Sa daigdig ng advertising, ang pag-iisip ng “kinse anyos”
ay tungkol sa edad ng iniimbak na alak. Ang kasabihan
nga, “Aged wine is the best wine.” Kapag mas may edad
ang inimbak na alak ay mas masarap ang lasa at suwabeng
inumin.
Kung ito’y inilapat sa isang produkto ng alak na—”Nakatikim
ka na ba ng kinse anyos?”—naglalayon naman itong
mapanatili sa isipan ng mamimili ang produkto. Ito ang
tinatawag nilang “recall.”
Pero iba ang naging recall nito sa kilusan ng mga
kababaihan. Ang tumimo sa kanilang isipan ay
paglapastangan sa murang edad ng walang malay na batang
babae.
Matatandaan na buwan ng Pebrero nang uminit ang isyu sa
ad copy na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Marso
ang kasunod na buwan, ang Women’s Month. Tila pinagtiyap
ng pagkakataon na ang advertising impact ng alak na
naging kontrobersiyal ay nagbigay naman sa Kilusan ng
Kababaihan ng media exposure. Magkasabay halos ang media
mileage ng advertising” ng inendosong alak at ng Kilusan
ng Kababaihan sa buwan ng Marso.
Pero ayon sa isang babaeng sociologist, umunlad na ang
pag-aadvertise ng alak. Kahit ginamit ang “Nakatikim ka
na ba ng kinse anyos?” ay wala naman itong anumang
borloloy kundi mismong alak lamang. Di tulad noon na may
seksing babae na naka-bathing suit o naka-bikini at bra
at nakasakay sa kabayo. Tunay na ang paggamit ng sikat,
seksing artistang babae ay bahagi ng advertising ng alak.
Ngayo’y salita lamang ang kinasabitang kontrobersiyal
pero nayanig ang daigdig ng advertising ng pakikidigma
ng kilusan ng mga kababaihan.
Ngunit nakaligtas sa kanilang pagsusuri na may mga
advertisement sa telebisyon na tungkol sa isang
produktong pampalakas ng katawan na ang endorser ay
isang sikat na artistang seksi ang nagsabi, “Tatagal ka
ba?” O kaya’y ang kapsulang nagbibigay bitamina sa sigla
ng katawan na kausap na babae ang esposo na pagod sa
trabaho at naguusap sila sa kuwarto, “Kaya mo pa ba?”
Sasagot ang esposo, “Ako pa!”
Maraming kahulugang sexual o nakakakiliti sa isipan ang
mga salitang ito. Pero ang recall ng mga ito’y hindi
naging kontrobersiyal tulad ng “Nakatikim ka na ba ng
kinse anyos?” Maraming nakakakiliti sa isipan na
advertisement na gaya ng panti, bra, panlinis ng ari ng
babae, sanitary napkins na hindi na pinagkakaabalahang
pansinin. Hindi na ito bastos.
Kung hindi pinansin ang ad copy ay baka normal lamang
ang benta ng alak. Pero mas nagtagumpay pa ang produkto
ng alak dahil sa kontrobersiyal na copy at lalong dumami
ang bumili ng alak. Kung sa iba’y nakakalapastangan ang
recall ng advertisement, sa mamimili’y lalong matiim ito
kaya malamang na bilhin, inumin, at lasapin nila ang
alak na inimbak sa loob ng labinlimang taon o kinse
anyos.
Sa daigdig ng advertising, kapag higit na pinag-uusapan
ang produkto, lalo itong nagiging mabili. Kahit naging
matagumpay ang kampanya ng kilusan ng kababaihan,
lumabas na naging matagumpay ang kompanya ng alak dahil
lalong dumami ang benta ng kanilang produktong
alak.Tunay na sa daigdig ng advertising na ginagamit ang
malalaking billboard, publikasyon, radyo at telebisyon
ay malakas ang kapangyarihan ng panghikayat sa madla. |