| |
Otso-otso
ni
Rene O. Villanueva
Magtatapos ang taon 2003 nang sumikat ang kantang “Otso
Otso” ni Bayani Agbayani. Pagpasok ng 2004, pambansang
himig, pambansang galaw at pambansang bukambibig na ito.
Bunga ng pag-imbulog ng kanta sa mass media, walang
sawang sinabayan ang awit ng mga bata, matanda, babae,
lalake, at iba pa, sa opisina, tahanan, at kalsada,
habang yumuyugyog ang balikat at pinaaalon ang tiyan at
gulugod nang nakatukod ang mga kamay sa magkabilang
tuhod.
Ang anyayang “Tayo’y mag-otso-otso” ay tinugon ng balana
ng “Otso-otso .. otso-otso pa!”
Bago nito, walang kahulugan ang salitang otso-otso;
kahit ang bilang na otso ay hindi itinuturing na
mahalaga, sa hanay man ng mga tradisyonal o moderno;
kahit sa mga mapamahiin o sampalataya sa lotto. Walang
natatanging taginting ang bilang na walo sa sinaunang
mundo ng epiko at kuwentong-bayan. Hindi gaya ng
numerong 1 (nangunguna, pinaka- ), 3 (karaniwang yugto
ng buhay ng alinmang bagay), 7 (suwerte), 9 (pagbubuntis),
o kahit ang sawimpalad na 13 (malas!). Maging sa
kontemporanyong industriya at kalakalan, hindi rin
mabigat ang bilang na walo. Pero lahat nang ito’y
babaguhin at mababago ng kantang “Otso-otso.”
Nang maging pambansang bukambibig, naging tagpuan ang
“otso-otso” ng maraming indibiwal at institusyon. Ang
wika, kung susuysuyin ang prinsipyo ng heteroglossia ay
hindi maaaring wika lamang ng indibidwal o iisa.
Maririnig sa bawat salita ang wika at tinig ng marami,
pati ang magkakasalungat at magkakatunggaling tinig.
Mapatutunayan ito ng salitang “otso-otso.” Sa unang
dinig, wika ito ng propesyonal, ng isang indibidwal na
may natatanging kakayahan. Wika ni Bayani Agbayani,
isang popular na komedyante sa telebisyon, na siyang
sumulat ng mga titik ng kanta. Bagaman ang komedyante
ang sumulat ng titik ng kanta at nagpasikat ng awit sa
mass media, hindi maituturing na wika lamang ni Bayani
ang salitang ito. Katunayan, isa lamang si Bayani sa
tinig na maririnig sa salitang “otso-otso.”
Wika rin ito ng pangmadlang komunikasyon, lalo ng radyo
at telebisyon. Maririnig sa salitang ito ang alingawngaw
ng maigting na network war ng dalawang higanteng
estasyon ng telebisyon, ang ABS-CBN at ang GMA. Sapagkat
ang kantang “Otso-otso” ni Bayani ay tugon ng
Magandang Tanghali, Bayan ng ABS-CBN sa kantang
“Ispagheting Pataas, Ispagheting Pababa” ng grupong
Sexbomb mula sa Eat Bulaga! Ng GMA.
Wika rin ang “otso-otso” ng komersiyo at kulturang
popular. Mula ang salita sa titik ng isa sa
pinakamabentang kanta ng 2003. Hanggang sa kalagitnaan
ng kasalukuyang taon, patuloy ang popularidad nito.
Patuloy na isinasama ang kanta sa mga pirated album.
Ayon sa pinakahuling ulat ng googles.com (July,
2004), marami ang patuloy na nagdadownload sa titik ng
kanta at kabilang ito sa 50 most wanted lyrics. Walang
dudang bahagi ng kulturang mainstream ang dati’y walang
ibig sabihing “otso-otso.”
Dahil wika ng nakapangingibabaw na kultura, hindi
maikakailang ang “otso-otso” ay bahagi ng bokabularyo ng
kapangyarihan at estado, ng iilang nagtatakda kung ano,
alin, at sino ang dapat ikubli at isantabi. Kung
susuriin ang salitang “otso-otso” sa konteksto ng kanta,
pansining ang kahulugan nito ay pag-eehersisyo. Mula sa
pagiging pangngalang pamilang (otso-otso), ang salita ay
naging pandiwa at pawatas (mag-otso-otso). Mag-ehersisyo
bilang “pampatibay ng butong matamlay” sapagkat “ito ay
pampahaba ng buhay.”
Kung tutuusin, kahit ang kahulugang ito ay ekstensiyon
pa rin ng lumalalang network war. Ang “Ispagheting
Pataas, Ispagheting Pababa” na naunang sumikat mula sa
kalabang programa at estasyon ay sinasabing alusyon sa
paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ang shabu na kapag
ginamit ay kailangang pagulungin nang pataas at pababa.
Kaya ang pag-uutos o anyaya sa lahat (“ngipin man o wala”)
na sumabay mag-otso-otso ay tinig ng kapangyarihang
humahamon sa paglaganap ng droga sa bansa. Ngunit dahil
ang wika ay may katangiang pangmaramihan, ang
“otso-otso” ay wika rin ng mga ikinukubli at isinantabi,
ng maraming tumatalima sa kapangyarihan at kailangang
sumunod sa batas. Magiging malinaw ang ganitong punto
kapag isinaalang-alang ang imbistasyon ng umaawit (na
maaaring kumakatawan sa tinig ng kapangyarihan) at ang
sagot ng koro (ng publikong tagasunod lamang). Sa
anyayang “Tayo’y mag-otso-otso!” ang tugon ay “Otso-otso
pa!”
Malikhain at may hibo ng subersiyon ang sagot na
“otso-otso pa!” kung mahihiwatigan ng tagamasid/tagapakinig
na sa mabilis, madulas, at malumay na bigkas sa unang
pantig ng tugon, ang walang ibig sabihing “otso (pa)” ay
nagkakaroon ng pailalim na kahulugan dahil ang naririnig
ay selebrasyon ng isang sexual act (tsupa) o oral sex sa
ari ng lalaki, na karaniwang hindi kabilang sa mga sex
act na tinatanggap ng lipunan, estado at simbahan. Sa
pamamagitan nito, nagkakatinig ang mga umid, ang mga
pinatahimik, at isinantabi. At ang itinuring na bastos,
dapat ikubli, hindi dapat pakinggan ay nalalantad. Hindi
lamang nasasambit, ihinihiyaw pa!
Sa ganitong pagsasaalang-alang, nagiging tunay na wikang
pambayan ang “otso-otso” na dati’y walang kahulugan ni
kahalagahan sa kahit sino.
Kaya “otso-otso” ang dapat ituring na salita ng taon! |