|
Salbakuta
ni Abdon M. Balde, Jr.
Sa Kabikulan unang lumaganap ang salitang
salbakuta na ayon sa matatanda ay ginagamit na noon pa mang panahon ng mga Espanyol.
Ang etimolohiya ng salita ay salvaje (Espanyol)
na nangangahulugang mabangis, mailap, hindi sibilisado,
taong-bundok at hijo de puta (Espanyol) na
nangangahulugang anak ng puta, anak ng masamang babae,
anak ng pampam, burikak, patutot, malgarit, atbp.
Ang salbakuta ay tahasang pagmumura na pinapurol ang
pangil ng kalaswaan sa pamamagitan ng pagpapalit ng
tunog ng ilang pantig upang kunwari ay magkaroon ng
ibang kahulugan ngunit naroon pa rin—maaaninaw na tila
nababalutan lamang ng manipis na saplot at mauulinig na
pasaring—ang bigat at diin ng poot na ibig ipahatid ng
nasubhang damdamin. Kaya ang salbaheng anak ng puta
ay maaaring ipagkamali sa pagsalbar sa kuta,
na nanggaling sa mga salitang salvar (Espanyol),
pagligtas o pagtatanggol, at ng salitang kuta, na
moog, tanggulan o muralya ang kahulugan.
Ang ganitong pagkukubli ng kalaswaan at kahalayan ng
pagmumura ay laganap sa Bikol, lalo na sa mga lalawigan
ng Sorsogon, Albay at sa Pook Rinconada ng Camarines Sur.
Halimbawa ang iho de puta ay nagiging
ihodepungal o simpleng dipungal na lamang. Sa
Katagalogan man ang iho de puta ay minsan nagiging
anak ng pusa, anak ng huweteng, anak ng pating
at namputsa.
Sa Bikolnon ang salbakuta ay ginagamit sa maraming
paraan:
1. Makaraw na aki, salbakuta! “Malikot na bata,
salbakuta!” Maaari ring “Salbakuta kang bata ka, ang
likot mo!”
2. Salbakuta! Matagas an payo! “Salbakuta!
Matigas ang ulo!” Maririnig ang ganitong salita sa
distrito ng Rinconada (mga bayan ng Iriga, Baao, Bato,
Buhi), Camarines Sur, kung saan malimit ipakahulugang
katigasan ng ulo ang salitang salbakuta.
3. Dai ko pighuna na salbakutahon mo ako!! “Hindi
ko akalaing sasalbakutahin mo ako!” Babastusin ang ibig
sabihin ng salbakuta sa ilang panig ng Camarines Sur.
4. Salbaheng ihodeputa! Salbakuta! “Salbaheng
anak ng puta!” Ito ang pinakamalaswang pagmumura na
maririnig sa Albay.
5. Salbahe! Sulpato! Salbatana! Salbakuta!
Ang salbatana ay sumpak. Ang sulpato ay
sulfato (Espanyol) na galing sa sulfato de sosa
(sodium sulfate) ngunit sa bulgar na Bikol ang
totoong ibig sabihin ay sulpanit, na ang katumbas
sa Katagalogan ay hindot o kantot. Ito’y
mga salita ng pagkabigla o paunang bulalas sa
paglalarawan ng isang hindi pangkaraniwang bagay o
pangyayari—mabuti man o masama.
“Salbakutang orag mo pre!”
Salbakutang galing mo, p’re! “Salbakutang siram kan pinangat!”
Salbakutang sarap ng pinangat! “Salbakutang gayon kan babaye!”
Salbakutang ganda ng babae!
Lumaganap ang katanyagan ng salitang salbakuta noong
1998 nang ito ay gamiting pangalan ng tatlong Bikolanong
rapper o hip-hop artist na nagpasikat sa
“S2PID LUV” at “Ayoko ng Ganitong Life.” Ang tatlo ay
sina Bendeatha, Charlie Mac, at Mad Killah (Edwin
Encarnacion) na binuo sa gabay at pamamahala ni Andrew
E. sa ilalim ng Dongalo Wreckords, sa lungsod ng
Parañaque.
Narito ang ilang bahagi ng S2PID LUV ng Salbakuta:
S2pid luv, ang ma in love ako sa ‘yo kala ko’y pag-ibig mo ay tunay pero hindi nag-tagal lumabas din ang tunay na kulay ang iyong kilay laging mapagmataas at laging namimintas pero sarili kong pera ang iyong winawaldas para kang sphinx ugali mo’y napaka-stink kung hiyain mo ‘ko talagang nakaka-shrink girlie biddy bye bye don’t tell a lie bakit mo ako laging
dini-deny…
Marami ang hindi nagkagusto sa musika at pananalita ng
Salbakuta. Narito ang ilang puna:
1. …kainis talaga iyong clip nila! Buti ipinakita iyon
ng on-air…para malaman ng sambayanang pinas ang true
meaning of the word JOLOGS. They are the perfect
embodiment of the word. The group salbakuta and jologs
are synonymous.”
2. The’re giving hip-hop a bad name. They took the worst
aspects of the hip-hop culture and now they shamelessly
flaunt their faults. I don’t think I’m alone in wishing
that they be ravaged by a hungry pack of hyenas.
3. …sana mabasa ‘to ng SALBAKUTA o baka naman SALBATUTA?
hehehe…JOLOGS talaga kayo! One hit wonder lang naman
kayo! Bakit ang yabang yabang nyo…sana malaos kayo agad…MGA
JOLOGS LAHAT NG TUMANGKILIK SA SALBATUTA!!! Este
SALBAKUTA hehehehe!!!
Sa kabila ng mga pamimintas ay narito ang ilang
positibong pahayag tungkol sa musikang likha ng
Salbakuta:
1. You hear that stupidly brilliant song everywhere you
go, in the malls and on jeepneys, haunting you like a
bad refrain. Salbakuta have proven that they are
everything but (stupid). Surprisingly, they have taken
their success in stride and with much humility–values
they obviously learned from the Dongalo community under
the guidance of Andrew E. who has supported Pinoy rap
for so long…
2. Sure there’s a lot of profanity here that merits a
“parental guidance, explicit language” warning on the
cover, but this only befits any hip-hop group worth
their salt. The overall gangsta attitude that pervades
“Ayoko ng Ganitong Life” may be more than just a pose,
as Salbakuta’s members are said to have grown up in
neo-ghetto neighborhoods in Metro Manila, so that they
know whereof they rap.
Sa larangan ng musika o maging sa pang-araw-araw na
usapan, ang salitang salbakuta ay mananatili at gagapang
na tila isang uod sa madusing, malaswa, madilim at
mababang panig ng kaisipan at antas ng buhay. Isinilang
ito sa lusak ng kahirapan na kinalulubluban ng ating mga
mamamayan mula pa noong panahon ng mga Kastila,
nakipagtalad sa sungit at haplit ng nagbabago-bagong
panahon at lipunan. Karuwagan, pagtalikod sa katotohanan
at malubhang pagkukunwari sa buhay kung tatangkaing
isantabi o burahin sa isip ang salbakuta.
Tanggapin na natin ang salbakuta na maging isang
mahalagang salita ng ating wika, semilya ng kapariwaraan,
at supling ng kahirapan. Kung uod man ito ay kupkupin at
alagaan natin—katulad ng uod na nagpapaasim sa suka at
nagbibigay sarap sa ating pagkain. Magiging isang
mahalagang sangkap ito na magbibigay ng kakaibang lasa
at kulay sa paglalarawan ng katangian ng tao at aspekto
ng buhay.
Matagal nang laganap sa Kabikolan ang salbakuta, panahon
nang kilalalanin natin ang salbakuta, at itanghal na
Salita ng Taon! |