|
Ang Sawikaan: Mga Salita ng Taon ay isang
masinsinang talakayan para piliin ang pinakanatatanging
salitang namayani sa diskurso ng sambayanan ng nakalipas
na taon. Itinataguyod ito ng Filipinas Institute of
Translation (FIT), isang samahang non-stock, non-profit
na itinatag noong Setyembre 3, 1997 ng ilang manunulat
at tagasalin na naniniwalang kailangan na itampok ang
pagsasalin bilang mahalagang bahagi ng kultura at
gawaing pang-akademya.
Sa isang pulong ng samahan noong Pebrero 2004,
iminungkahi ang pagtataguyod ng proyekto para piliin ang
pinakamahahalagang salita ng taon. Ang mungkahing ito ay
inspirado ng proyektong Word of the Year ng American
Dialect Society (ADS), isang samahan na itinatag noon
pang 1889 at nakatuon sa pag-aaral ng wikang Ingles sa
Hilagang Amerika at iba pang mga wikang
iniimpluwensiyahan nito at nakaiimpluwensiya dito.
Taon-taon, simula 1990, nagdaraos ang ADS ng pulong sa
Estados Unidos, at isa sa mga gawain nila rito ay ang
talakayin at piliin ang pinakanatatanging salita o
parirala na lumaganap sa loob ng taon. Ilan sa mga
itinanghal nilang salita ng taon ay ang information
superhighway (1993), cyber at morph
(1994), web at newt (1995), Mom
(1996), millenium bug (1997), ang hyphenated
prefix na e- (tulad halimbawa sa e-mail,
e-commerce, e-business, e-tailing; 1998), Y2K
(1999), chad (2000), 9-11 (2001), at
weapons of mass destruction (2002). Noong 2003,
napili nila ang metrosexual, salitang tumutukoy
sa isang “fashion-conscious heterosexual male” bilang
salita ng 2003. Naniniwala ang FIT na ang ganitong
pamimili ng salita ng taon ay isang malikhain at
mabisang estratehiya para tawagin ang ating pansin sa
dinamiko at demokratikong katangian ng Filipino, ang
ating wikang pambansa.
Ang
salita ng taon ay pinipili mula sa mga nominadong salita na
resulta ng aming panawagan sa mga mag-aaral, guro,
iskolar, propesyonal, at iba pang may interes sa wika sa
loob at labas ng akademya na magsumite ng inaakala
nilang mahalaga at natatanging salita na namayani sa
diskurso ng sambayanang Filipino. Bagaman ang layunin ay
magtampok ng mga salita sa loob lamang ng isang taon,
isinaalang-alang na rin ang ilang salitang matagal-tagal
nang lumaganap dahil sa nagsisimula pa lamang naman ang
proyekto. Sa mga susunod na Sawikaan, ang mga
salitang lumitaw sa loob ng isang taon lamang ang
makakabilang sa pagpipilian.
Isang lupon na bubuuin ng mga opisyal at kasapi ng FIT,
kasama ang ilang makawika, ang pipili ng mga finalist.
Ang naglahok ng salita ay hihilingan na maghanda ng
maikling sanaysay upang mailahad ang mga ebidensiya kung
bakit dapat tanghalin ang isang nominadong salita bilang
Salita ng Taon. Ihaharap ang mga sanaysay na ito
sa isang pagtitipon ng mga kasapi ng FIT, mag-aaral,
guro, iskolar, at iba pang masugid na tagasubaybay ng
pag-unlad ng pambansang wika. Ang mga tagapagtaguyod ng
salita ay binigyan ng laya na sila mismo ang magbasa ng
kanilang sanaysay o pumili ng ibang tagabasa para siyang
gumawa ng presentasyon ng salita.
|