|
Ginanap naman ang Sawikaan 2005
noong Agosto 4-5, 2005. Dalawang araw na idinaos ang
Sawikaan sa taong ito. Ang unang araw ay tinampukan ng
talakayan tungkol sa papel ng midya sa pagpapalaganap ng
modernong Filipino at tungkol sa karanasan ng ilang
piling bansa sa pagpapaunlad ng kanilang wika. Ang mga
tagapagsalita sa unang paksa ay ang beteranong
komentarista sa radyo na si Dely Magpayo ng DZRH, ang
news director na si Jim Libiran ng ABC 5, at
ang editor na si Ariel Dim. Borlongan ng Balita.
Tinalakay naman ni Vladimir F. Malyshev ng Embahada ng
Russian Federation ang karanasang Ruso sa wika (The Experience of Russia in Developing a National Language) at
ni Prop. Shirley Sy ng UP Asian Center ang karanasan sa
Tsina (The Experience of China in Developing a National Language).
Ginanap naman ang pamimili ng
salita ng taon sa ikalawang araw. Labindalawa (12) ang
nominadong salita sa 2005: blog
ni Vladimeir Gonzales;
huwéteng ni Roberto
Ańonuevo; e-vat ni Leuterio Nicolas;
gandára
ni Winton Lou Ynion; caregiver ni James Kenneth
Sindayen;
call
center ni Silvestre Jay Pascual III;
pasawáy ni Patrick Flores;
networking
ni Jelson Estrella Capilos;
wiretapping ni Yolado
Jamendang Jr.; cońo ni Sharlene Valencia;
tibák/t-back
nina April Imson at Salvador
Biglaen, Jr.; at
tsunami
ni Michael Francis Andrada.
Bahagyang binago ang proseso ng
pagpili sa taong ito. Sa halip na tatlo, lima ang
piniling finalist. Ang limang ito ay ang
e-vat,
gandára, huwéteng, pasawáy,
at
tibák/t-back.
Sa pagtatapos, hinirang na Salita ng Taon ang
huwéteng
na sinundan ng
pasawáy at ng
tibák/t-back. Nagkaloob din ng espesyal na premyo para sa
pinakamahusay na paraan ng presentasyon na nakamit ng
nagtaguyod ng salitang
e-vat.
Nagkamit ng gantimpalang P7,500 ang
Salita ng Taon; P5,000
ang ikalawa; at P3,000 ang ikatlo. Ang pinakamahusay na
presentasyon ay may gantimpalang P1,500 at ang iba pang
hindi nagwagi ay tumanggap din ng P1,500. Kaloob ng Blas
F. Ople Foundation ang mga salaping gantimpala.
Sa huling bahagi ng programa, inilunsad ang aklat na Sawikaan
2004, Mga Salita ng Taon na tumatalakay sa mga
salitang iniharap ng taong iyon. Limbag ito ng
University of the Philippines Press.
|