|
“Lobat” ang Salita ng
Taon
Matagumpay
na idinaos ang Sawikaan 2006 noong 3-4 Agosto 2006
sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal,
Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.
Itinanghal
na salita ng taon ang “lobat” sa Sawikaan 2006:
Pambansang Kumperensiya sa Wika at Pagpili ng
Salita ng Taon, ang taunang kumperensiya sa wika
na itinataguyod ng Filipinas Institute of
Translation, National Commission for Culture and
the Arts, at ng Blas F. Ople Foundation.
Tumuon ang Sawikaan 2006 sa
development ng Filipino bilang pambansang wika at
binigyang pansin ang mga bagong salita na naging
popular sa
kaligirang panlipuna at pangkultura sa nakaraang
taon.
Isang
artikulong isinulat ni Jelson E. Capilos, propesor
sa Ateneo de Manila University, pinili ng mga
kalahok sa kumperensiya ang “lobat” na isa sa
limang finalist na kinabibilangan ng “botox,”
“toxic,” “spa,” at “orocan.” Nahirang na
ikalawa ang “botox” ni Dr. Luis Gatmaitan at
ikatlo ang “toxic” ni Michael Andrada na isang
instruktor sa UP.
Napili
ang “lobat” bilang salita ng taon dahil sa
interesante at makabuluhan nitong saliksik,
malinaw na presentasyon, at naiibang kongklusyon
na ang mga Filipino sa kasalukuyan ay halos
katulad na ng cell phone—ang munting makinang
simbolo ng modernidad—na nakasalalay sa maliliit
na bateryang mabilis maubusan ng enerhiya.
Nalolobat ang mga Filipino dahil sa mga kahingiang
personal, sosyal, at
global.
Isang
brand ng toxin ang “botox” na iniiniksiyon sa
mukha ng mga kliyente para mawala ang mga
kulubot na palatandaan ng edad. Ito ang naging
ikalawang salita ng taon dahil naging popular sa
mga Filipinong mahilig magpaganda at may pambayad
sa mahal na lason.
Tumutukoy
ang “toxic” sa mga oras kung kailan napakaraming
natatanggap na tawag ang mga nagtatrabaho sa mga
call center. O puwede rin itong paglalarawan sa
alinmang nakaiiritang tao, bagay, o karanasan.
“Spa”
ang kailangan ng mga taong nakaranas ng “lobat” o
“toxic.” Ang “orocan,” ang brand ng mga produktong
yari sa plastik, ay nangangahulugan ng pagiging
plastik o mapagpanggap.
Ang
tanging entri mula sa Mindanao, “kudkod,” ay tawag
sa pag-chat sa internet, lalo na ang uring
layuning makahanap ng partner sa cyberspace.
Kabilang sa iba pang kandidato para sa salita ng
taon ang “chacha,” “birdflu,” “meningococcemia,”
“karir,” at “payreted.”
Napili
naman si Rachelle Joy Rodriguez bilang
pinakamahusay na presentor para sa salitang
“karir.”
Bukod
sa pagpili ng salita ng taon, ginanap din sa
Sawikaan ang dalawang mahalagang panayam—una ang
kay Dr. Isagani Cruz, dating opisyal ng CHED
hinggil sa hindi katanggap-tanggap na patakaran ng
administrasyong Arroyo kaugnay ng Ingles bilang
midyum ng pagtuturo sa edukasyong Filipino;
ikalawa ang kay Pambansang Alagad ng Sining
Virgilio S. Almario ukol sa kalagayan ng
edukasyong Filipino ngayon; at ikatlo ang kay Dr.
Ana Isabel Reguillo ng Instituto Cervantes-Manila
hinggil sa sitwasayong pangwika ng Espanya.
Nasa
ikatlong taon na, isinasagawa ang Sawikaan sa
Unibersidad ng Pilipinas at dinaluhan ng mga guro,
lingguwista, at mga estudyante mula sa iba’t ibang
panig ng bansa. Angkop na pagdiriwang ito sa Buwan
ng Wika.
|