|
“Miskol”
ang salita ng taon ng 2007
“Miskol” ang
salita ng taon. Nanguna ito sa labing-isang iba
pang entri sa Sawikaan 2007: Mga Salita ng Taon,
isang kumperensiyang ginanap sa UP Diliman
nitong Agosto 2-3, 2007. Pinili ito ng mga
iskolar sa wikang Filipino, delagadong guro, at
mag-aaral kasama ng pumangalawa at pumangatlong
“roro” at “friendster.”
Nasa ikaapat na taon na ang Sawikaan.
Mga nakaraang salita ng taon ang canvass (2003),
huweteng (2004), lobat (2005).
Sinabi ng propesor ng Ateneo de Naga
na si Adrian Remodo, ang sumulat ng papel sa
miskol, na ang missed call sa New York ay
ibang-iba sa miskol ng mga Filipino. Ang missed
call ay simpleng di-naasikasong tawag,
samantalang nakaugat sa sikolohiyang paramdam ng
mga Filipino ang miskol. Ang sandaling tunog ng
pagtawag sa cell phone ay nagsasabing “Buhay pa
ako. Magparamdam ka naman.”
Katulad ng “lobat” ng 2005,
lumaganap ang miskol dahil sa pagkahumaling ng
mga Filipino sa komunikasyong cell phone. Pero
inangkin na natin ang bagong teknolohiya at
ginamit ito sa ating sariling paraan. Mahalaga
ang papel ng wika sa pangkulturang pandarambong
na ito. Sinasabi nating “Miskulin mo ako” para
mairehistro ang bagong numero, makita ang
naiwaglit na cell phone, o ipagyabang ang bago
at magandang ringtone.
Naging pangunahin din ang mga kasunod na
salitang roro at friendster. Roro ang pinaikling
roll on-roll off o ang sistema ng
pinagdugtong-dugtong na biyahe sa mga pulo na
inaasahang makapag-ambag sa pambansang ekonomiya.
Ayon kay Kristian Cordero, ang Bikolanong
manunulat, makabuluhan ang roro dahil mahigpit
na kaugnay ng kasaysayan ng ating bansang
arkipelago at ligid ng dagat. Kaugnay rin ito ng
politika dahil itinatampok ng administrasyong
Arroyo bilang kampanyang pangkaunlaran.
“Magpapaloko ba tayo sa bangkang roro ni
Gloria?,” tanong ni Cordero.
Isa pang penomenong lumaganap sa mga
Filipino nitong mga nakaraang taon ang
Friendster, ang personal site sa cyberspace na
nag-uugnay sa mga magkakaibigan at potensiyal na
kaibigan. Orihinal na programang panghanap ng
kasintahan, inangkin ito ng mahigit sa 5 milyong
Filipino bilang pamalit sa aktuwal na pagkikita
at pagsakop sa hadlang ng layo at panahon. Sabi
ni Boom Enriquez ng Ateneo de Manila, ang
Friendster at iba pang cyperspace interlink ay
lumilikha ng “third space” para sa mga pagod na
yuppies at iba pa. Maitatanghal sa third space
ang tunay o inimbentong identidad para malimutan
ang pang-araw-araw at bulgar na realidad.
Kabilang sa iba pang salitang naging
makabuluhan sa Filipino sa nakaraang mga taon
ang sutukil (pinaikling sugba-tula-kilaw),
videoke, make over, telenobela, extra judicial
killing, party list, abrodista, oragon, at
safety.
Naging kapaki-pakinabang din ang
talakayan sa Filipino bilang wikang pandaigdig
nina Prop. Florentino Hornedo ng Ateneo de
Manila University at Ruth Elynia Mabanglo ng
University of hawaii. Gayun din naman ang
panayam hinggil sa development ng wikang
Mehikano at Pranses nina Ambasador Erendira
Araceli Paz Campos at First Secretary
Georges-Gaston Feydeau. Maraming natutuhan ang
mga delegado sa mga talakaya at inaasahang
magagamit nila ito sa pagtataguyod sa Filipino
bilang wikang pambansa.
Ang mga papel na binasa noong
nakaraang taon, kabilang ang nagwaging lobat, ay
isinaaklat na bilang Sawikaan 2006 (Roberto T.
Añonuevo and Galileo Zafra, editors. Quezon
City: University of the Philippines Press, 2007)
at inilunsad ito sa kumperensiya. Dinaluhan ito
ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan
Virgilio S. Almario, UP Diliman Chancellor
Sergio S. Cao at ilustrador/pintor na si Pandi
Aviado. Binuksan din nila ang eksibit ng mga
ilustrasyong ginamit sa libro na itinanghal
naman sa katabing galeriya.
Itinatampok ng Sawikaan 2007 ang
pangunahing papel ng wika kung paano tinitingnan
at iniuunawa ng Filipino ang kasalukuyan niyang
daigdig. Pinatunayan ito ng listahan ng mga
salitang tinalakay sa kumperensiya. Itinaguyod
ng National Commission for Culture and the Arts
(NCCA) at Blas Ople Foundation ang Sawikaan
2007, sa pangangasiwa ng Filipinas Institute of
Translation (FIT). Naging tagapagtaguyod din ang
U.P. President’s Office, U.P. Diliman
Chancellor’s Office, at U.P. College of Arts and
Letters. Para sa higit pang impormasyon,
bisitahin ang www.sawikaan.net.
[BALIK] |