| |
Tapsilog
ni
Ruby Gamboa Alcantara
Sa pag-aaral ng wika, mayroong kalakaran ng pagbuo ng
mga bagong salita na tinatawag na neologism. Ito iyong
paglikha ng mga bagong salita o bagong kahulugan at
gamit ng isang lumang salita at/o ekspresyon, o
pagsasalin sa isang wika ng hiram na salitang walang
eksaktong katumbas sa pagsasalinang wika.
Pangangailangan ang pangunahing dahilan ng paglikhang
ito ng mga salita.
Kadalasan, pinagtatambal ang dalawang salita upang
makabuo ng isang bagong salita. Pinagsasama ang mga
pantig ng dalawa o higit pang salita. Halimbawa: aso +
kalye = askal; itlog + manok = itnok. O hindi kaya,
nilalagyan ng bagong panlapi (unlapi o hulapi) ang
salita upang makabuo ng bago at naiibang kahulugan.
Halimbawa: Imeldific. Maaari rin itong malikha sa
pamamagitan ng pagdadaglat o pagbuo ng akronim.
Halimbawa: IUD (iyong inihaw na bituka ng manok).
Nagsisimula ang bagong likhang salita bilang pabalbal o
slang hanggang sa maging popular sa pamamagitan ng mass
media o bukambibig o pasalin-salin sa mga tao at tuluyan
nang matanggap ng komunidad at maging bahagi na ng
kultura nito. Kung hindi pumasok sa kultura ng wika ang
neolohismo, maaaring natural itong mawala at maglaho na
lang. Kung kayat ang pagtanggap ng madla o publiko ang
pinakamahalagang dahilan upang manatili ito bilang
bahagi ng wika. Sinasabing kapag luma na ang isang
salita at hindi na “exciting” hindi na ito neolohismo.
Bagama’t maaari ring dekada ang bilangin upang maging
luma ito. Pagtanggap pa rin ang mahalaga kaysa panahon
ng pag-iral ng salita. Tulad ng tinahak ng nilikhang
salitang tapsilog.
Tapsilog
= tapa (maliliit na piraso ng karneng baka na ibinabad
sa suka’t toyo na may kasamang bawang at paminta) +
sinangag (kaning lamig na niluto sa mantikang
pinaglutuan ng tapa) + itlog (estrellado o sunny side
up).
Isang popular at tunay na nakabubusog na almusal ang
tapsilog na pinalaganap noong 1983 ng isang sidewalk
restaurant, ang Sinangag Plaza sa Ermita Food Plaza sa
Adriatico St., Malate. Unang ginamit ang pinagtambal na
mga salitang tapa-sinangag-itlog para tukuyin ang bagong
menung ito. Pero nahirapan ang mga tagasilbi
(waitresses) noon dahil may kahabaang bigkasin ito kung kaya sa katagalan
pinaikli na nila at naging tapsilog.
Ngayon, kilala ang Sinangag Plaza bilang Sinangag Pa Rin
at patuloy pa ring nagtitinda ng tapsilog, kasama ang
iba pang bagong kombinasyon na naimpluwensiyahan at
binigyang-inspirasyon nito tulad ng tosilog (tocino +sinangag
+ itlog), longsilog (longganisa +sinangag + itlog),
bangsilog (bangus + sinangag + itlog), dangsilog (danggit
+ sinangag + itlog), cornsilog (corned beef + sinangag +
itlog), at iba pa.
Noong 1984, naghanap ang SM Food Court Management ng
isang uri ng pagkain na masarap pero maibebenta rin nang
mura sa mga restoran at iba pang uri ng kainan. Bunga ng
paghahanap na ito, ipinanukala ni Mrs. Teresa Dula-Laurel,
presidente ng Cater King Food Corporation, ang
pagtitinda ng goto at lugaw na may kasamang tokwa’t
baboy. Dito ipinanganak ang Goto King.
Dahil bago pa lamang ang konsepto ng Goto King,
pinayagan lang itong maibenta sa isang kart sa loob ng
SM Food Court Cubao. Pero nang mapatunayang bumenta nang
malaki sa loob lamang ng isang taon, binigyan ito ng
isang regular na puwesto sa SM Food Court Cubao at
pinayagang magdagdag ng menu na pangmeryenda at
pampalamig. Pinatunayan lamang nito na mayroon talagang
lulugaran ang ganitong mga klaseng pagkaing Filipino sa
mga fast food court. At upang samantalahin ang
pagkakataong ito, nagbukas na rin ang Cater King ng mga
sangay sa iba’t ibang food court sa mga mall na bukas sa
loob ng 24 oras.
Kasabay ng pagpapalawak na ito ng mga kainan ang
pagpapaunlad din ng menu. Dito nakasama ang tapsilog at
nakilala bilang isa sa Pinoy Deli Meals, kasama ng
altanghap (almusal + tanghalian + hapunan), makabayan,
at almusarap (almusal + masarap).
Sa ngayon, kilalang-kilala na ang tapsilog hindi lamang
sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsiyang tulad
ng Cavite, Batangas, Cebu, Davao, Cagayan de Oro, Lucena,
Pampanga, at marami pang iba. Hindi kataka-taka kung
laganap ito sa buong kapuluan dahil napakamura (makabibili
na sa halagang P38.50 lamang o mababa pa),
napakamasustansiya (may itlog at tapa para sa protina),
at nakabubusog (mabigat dahil sa sinangag na may mantika
at bawang) na pagkain ng karaniwang mamamayang Filipino.
Nadala na rin ang tapsilog sa ibang bansa. Pangunahing
menu ito sa Manila Grill na matatagpuan sa Mountain
View, California at popular na popular sa mga Filipino
roon dahil sa murang presyo ($4.00), tulad din ng ibang
baryasyon nito—ang bangsilog, tosilog, longsilog, at ang
bagong dagdag na adosilog (adobo), porksilog (pork/baboy),
tuyosilog (tuyo).
Dito mapatutunayan na dinamiko ang ating wika. Malaki
ang kakayahan nitong umangkop at makabuo ng bagong mga
kombinasyong salita tulad ng napakapopular at madaling
tandaang tapsilog. At dahil sa madaling tandaan,
madaling orderin sa mga kainan. Kahit na goto ang
pangunahing menu ng Goto King, mas rumampa ang tapsilog
at inampon na rin ng mga restoran, karinderya, pondahan,
kariton, kantina sa mga eskuwelahan, at iba pang kainan.
Sa ngayon, 21 taon na ang tapsilog na nagsisilbi sa
karaniwang empleado, estudyante, drayber, konduktor,
janitor, tindera sa palengke, at kung sino-sino pa. |