|
Matagal nang problema sa Departamento ng
Edukasyon ang usapin hinggil sa mababang kalidad
ng teksbuk sa elementarya at hay-iskul. Ang
pag-iingay ni Antonio Calipjo Go hinggil sa mga
teksbuk na sangkaterba ang mali sa nilalaman at
gramatika ay maituturing na isang kuwit lamang
sa industriya ng paglalathala. Mabuti na lamang
at may nasimulan nang repormang panteksbuk ang
DepEd; at kabilang doon ang mahigpit na
ebalwasyon ng nilalaman ng mga batayang aklat.
Nakalulusot kahit sa mga iginagalang
na manunuri ng DepEd (at maging sa mga pribadong
paaralan) ang ilang patakbuhing teksbuk. At may
mga teksbuk naman na kahit irekomenda ng
National Book Development Board na huwag nang
ipakalat pa sa merkado’y tila hindi
pinakikinggan ng pabliser at ng mga gurong awtor
din ng nasabing mga teksbuk.
May ilang obserbasyon ang gaya ni Go
at iba pang kritiko sa gayong pangyayari. Una,
nababayaran umano ang ilang tiwaling reviewer ng
teksbuk. Ikalawa, ginagamit lamang ang tanyag na
pangalan ng ilang manunulat o guro, kahit hindi
sila talaga ang sumulat o nagsuri ng aklat.
Ikatlo, may payolang ibinibigay umano ang ilang
pabliser sa mga paaralan o prinsipal o guro
kapalit ng pag-apruba sa aklat. At ikaapat, ang
mga network ng pribado o publikong paaralan ay
ginagapang ng ilang ahente ng teksbuk, kahit ang
teksbuk na inilalako nila ay hindi nakapasa sa
DepEd o NBDB.
Ang problema sa bidding at
pag-aapruba sa pagbili ng teksbuk ay sinubok
lutasin noon sa pamamagitan ng Electronic
Procurement System na sinimulan ng
administrasyon ni Pang. Joseph Estrada. Na
kahanga-hanga. Ayon na rin sa dating Sek. Emilia
Boncodin, bumaba ang presyo ng teksbuk at
gamit-pampaaralan mulang 25 hanggang 45
porsiyento dahil sa gayong reporma, bukod pa sa
bagong sistema sa accounting.
Ngunit hindi nagtatapos doon ang
lahat. Kinakailangang basahin ng mga magulang,
estudyante, at guro ang mga teksbuk; at ipamukha
sa mga pabliser at awtor ang matitingkad na mali.
Kinakailangan ding isumbong ng mga magulang o
estudyante o guro ang mga pagkakamali sa mga
awtoridad upang huwag nang kumalat pa sa bansa
ang katangahan ng ilang awtor.
Ang problema’y ni wala man lang
batas na masasandigan ang mga magulang at
estudyanteng ibig maghabla laban sa nagkasalang
pabliser, awtor, at reviewer. Halimbawa, kung
ang Pabliser X ay napatunayang nagkasala sa
paglalathala at pagbebenta ng mabababang uri ng
teksbuk, ang tanging magagawa ng DepEd ay atasan
ang pabliser na gumawa ng bagong edisyon. O di
kaya’y ilagay sa blacklist ang pabliser upang
hindi na makapasok sa DepEd. O kaya’y ianunsiyo
na lamang sa pahayagan ang katangahan ng mga
awtor, at ibulgar ang kabuhungan ng pabliser.
Madali namang lusután iyon ng
tiwaling Pabliser X. Halimbawa, maaaring
baguhin lamang nito ang pangalan at gawing
Pabliser Y, kundi man lumikha ng kapatid na
korporasyong Pabliser Z. Magagawa rin ng
Pabliser X na ibenta na lamang ang mga teksbuk
doon sa malalayong probinsiya; o kaya’y pasukin
ang network ng mga pribadong paaralan imbes na
pumasok pa sa mga publikong paaralan. At
puwedeng baguhin na lamang ng Pabliser X ang
pabalat ng libro, tatakán na bagong edisyon, at
muling ilako sa mga paaralan. Ang masaklap,
ipagtatanggol pa ng pabliser ang kamalian ng mga
awtor, at sasampahan ng kasong libelo ang
sinumang nagbulgar ng kamalian ng teksbuk.
May magagawa ang kongreso upang
mapaunlad ang industriya ng paglalathala ng
teksbuk. Heto ang ilang mungkahi.
Una, makalilikha ng batas na magpapataw ng
kasong kriminal at karampatang parusa sa
sinumang pabliser, awtor, at reviewer na
mapatutunayang sangkot sa produksiyon at
pagpapalaganap ng mga teksbuk na naglalaman ng
matitinding mali o baluktot na impormasyon. Ang
parusa’y maaaring pagkabilanggo at pagtanggal ng
prangkisa at titulo. O kaya’y pagpapataw ng
suspensiyon sa operasyon ng pabliser o propesyon
ng awtor; at pagbabayad ng danyos perhuwisyo sa
mga apektadong estudyante, magulang, at guro.
Ikalawa, ang sinumang pabliser na mapatunayang
sukdulan ang panunuhol, at may layong manloko sa
mga paaralan at guro, ay tatanggalan ng
karapatang maglathala ng teksbuk, bukod pa sa
pagbabayad ng danyos sa mga apektado.
Ikatlo, lumikha ng batas na magbibigay ng
karampatang insentibo (hal., buwis, materyal na
pabuya, pagkilala, at subsidyo) sa sinumang
pabliser, manunulat, artist, at editor na
sangkot sa produksiyon ng mahuhusay at de-kalidad
na teksbuk. Maaaring bigyan din ng insentibo ang
sinumang tao o grupo na nagbulgar ng mga
kabulukan sa paggawa ng mga palpak na teksbuk at
aklat.
Ikaapat, ipagbawal ang pagpapakalat ng teksbuk
sa publiko at pribadong paaralan nang walang
masusing pagrepaso mula sa mga mapagtitiwalaang
kritiko o reviewer, mula man iyon sa DepEd, NBDB,
o network ng mga pribado’t publikong paaralan,
gaya ng CEAP. Itaas ang bayad sa mga reviewer
nang hindi sila masuhulan ng mga pabliser.
At ikalima, atasan ang DepEd at NBDB—sa
pakikipagtulungan ng mga network ng pribado at
publikong paaralan—na lumikha ng malinaw na
balangkas at sistema upang masuri, bago
matatakán ng de-kalidad na selyo ang mga
makapapasang teksbuk. Hikayatin ang mga eksperto
sa iba’t ibang lárang na pumaloob sa network.
Totoo, dapat makiisa ang lahat sa ikauunlad ng
edukasyon. |