|
Terorista at Terorismo
ni
Leuterio C. Nicolas
Masasabing isang malaking himala kapag ang mga salitang
terorista o terorismo ay
hindi nabanggit sa bawat araw na daraan sa ating buhay.
Basahin natin ang mga diyaryo. Pakinggan natin ang mga
radyo. Panoorin ang mga balita sa telebisyon. At
tunghayan maging ang mga balita sa Internet.
Pero ang totoo, talagang matagal-tagal nang panahon na
paulit-ulit nating naririnig ang mga salitang ito. Kahit
noon pang panahon ng nakaraang diktadura, ang mga
salitang ito ay malimit nang itambal ng pamahalaan sa
mga pangalang Moro, Muslim, at NPA. Kaya noon pa ay
mayroon na tayong Moro o Muslim terrorists, at NPA
terrorists. Ganoon sila kung tawagin ng mga kontroladong
midya ng gobyerno noon.
“Mga terorista! Mga manliligalig! Mga kaaway ng lipunan!”
At naging kasingkahulugan nga ng salitang terorista ang
“mga pasimuno sa paghasik ng lagim at kaguluhan.” Sa
paglipas ng panahon, lalong naging mas bukambibig ang
mga salitang terorista at terorismo. Ito’y pagkatapos ng
sunod-sunod na pambobomba na naging sanhi ng pagkasugat
at pagkamatay ng maraming tao sa iba’t ibang panig ng
daigdig. Ito’y pagkatapos din ng di-mabilang na pagdukot
at pagpatay hindi lamang sa mga prominenteng tao kundi
maging ng mga inosenteng sibilyan.
At dito sa Filipinas, ang giyera at kaguluhan sa
Mindanaw, sampu ng hostage-taking sa mga dayuhang
kinabibilangan ng mag-asawang Burnham, ay ikinakawing sa
mga terorista partikular sa grupong Abu Sayaf, na kasama
diumano ng mga MILF, at iniuugnay rin sa mga dayong
Jamaya Islamiyah at Al Qaeda.
Nang pasabugin ng mga hijacker, sa pamamagitan ng inagaw
na mga pampasaherong eroplano, ang kambal na gusali ng
World Trade Center noong Setyembre 11, 2001 na
ikinamatay ng libo-libong mga sibilyan, nakita ng buong
mundo na hindi biro ang implikasyon ng tinatawag na
terorismo. Sangkot dito diumano si Osama bin Laden,
Sadam Hussein, Jamayah Islamiyah at Al Qaeda, at marami
pang iba.
Hanggang ang Estados Unidos ay maglabas ng talaan ng MGA
TERORISTA AT TERORISTANG ORGANISASYON AT BANSA SA
DAIGDIG. Inampon naman ng European Union ang listahang
ito. Kaya base sa pakahulugan ng Estados Unidos,
ibinibilang na mga terorista ang mga indibidwal na tulad
ni Osama bin Laden, Sadam Hussein, Muamar Khadaffy, Jose
Maria Sison at iba pa. at ng mga grupo at organisasyong
gaya ng Abu Sayaf ng Filipinas, Jamayah Islamiyah at Al
Qaeda. Kabilang din dito ang National Democratic Front (NDF),
Communist Party of the Philippines at New People’s Army
(NPA), habang binansagan bilang mga “teroristang” bansa
ang Hilagang Korea, Palestine, Iran, Syria, Afganistan,
Iraq at Lybia. Subalit hanggang sa ngayon, hindi pa rin
maliwanag sa marami sa ating mga Filipino kung ano nga
ba ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito.
Pero ano-ano nga ba ang kanilang ipinakakahulugan sa mga
salitang terorista at terorismo? Sa Sentinyal Edisyon ng
Diksyunaryo ng Wikang Filipino, ang terorista ay
nangangahulugan ng “taong nananakot, nanggugulo,
pumapatay dahil sa galit sa nakatatag na pamahalaan.”
Samantalang sa Collins Webster Contemporary English
Dictionary, ito ay “systematic use of violence and
intimidation to achieve some goal.” Ayon naman sa
Estados Unidos, batay sa Title 22, Section F (d) ng US
Code, ang “terrorism” ay “pre-meditated politically
initiated violence, perpetuated against noncombatant
targets by sub-national groups or clandestine agents,
usually intended to influence an audience”. At dito
naman sa Filipinas, sa Section 3, (3) ng panukalang
batas na Anti-Terrorism Act of 2003 kung saan ay
kasamang may-akda si Cong. Imee Marcos, kabilang sa mga
kahulugan ng terorismo ay “threatening to cause serious
interference with, or actually causing disruption of a
public transport or utility or an essential service,
facility or system, whether public or private, except in
the furtherance of a legitimate protest, grievance or
advocacy.”
Ngunit may pagtingin ang mga progresibong grupo,
kabilang si Atty. Jayson Lamchek ng Public Interest Law
Center, na ang salitang terorismo at terorista ay
simpleng ipinapakahulugan ng Amerika sa sinumang
indibidwal, grupo at bansang tuwirang kumakalaban sa
kaniyang mga patakaran at sumasalungat sa kaniyang mga
interes. Ang Filipinas ay di maitatatwang isang
nakapamasunuring “alalay” ng Amerika kaya hindi tayo
kabilang sa binansagang “teroristang” bansa bagaman at
sinasabi ng Amerika na dito sa atin nagsasanay at
naglulungga ang maraming terorista.
Pero talagang nakagugulo at talagang nakakalito pa rin.
Halimbawa, ano ba ang kaibahan ng terorismo sa mga
lehitimong protesta ng mamamayan? Terorismo ba ang
Welgang Bayan na kalimitang may kasamang mga
pagbabarikada at pagparalisa sa transportasyon at mga
pampublikong serbisyo at pasilidad? (Ito’y kung
pagbabatayan ang panukalang Anti-Terrorism Bill.)
Ano ba ang kaibahan ng samahang terorista sa mga
kilusang rebolusyonaryo? Ano nga ba ang dapat itawag sa
mga Arabong dumukot kay Angelo dela Cruz? Hindi ba’t
militante kung tawagin sila ng ating gobyerno sa panahon
ng negosasyon sa kaniyang pagpapalaya habang terorista
naman kung tawagin sila ng mga kasapi ng Coalition of
the Willing? O magkasingkahukugan na ang mga salitang
militante at terorista? (Pero kung terorista kaya ang
katawagang ginamit ng pamahalaan sa panahon ng
pakikipagnegosasyon sa mga bumihag kay Angelo dela Cruz,
palalayain pa rin kaya si Angelo at hindi pupugutan ng
ulo?)
Bakit hindi terorista ang itawag sa mga nagmasaker sa
mga magsasakang nagrali noon sa Mendiola? Bakit hindi rin terorista ang itawag sa mga
nananakot, nandurukot, at pumapatay sa mga kasapi at
pinuno ng mga cause-oriented group, labor union, at mga
party list sa ating bansa?
Ano ang puwedeng itawag sa mga sundalong Amerikanong
nagmasaker sa Balanggiga, Samar at pumatay sa
libo-libong sibilyang Filipino noong unang bahagi ng
nakaraang siglo, ayon sa ating kasaysayan?
Ano ang dapat itawag sa bansang naghulog ng bomba
atomika noong buwan ng Agosto 1945 sa Hiroshima at
Nagasaki, Japan na pumatay ng daan-daan libong sibilyang
Hapones?
Ano ang dapat itawag sa bansang ito na hanggang ngayon
ay may pinakamalaking stockpile ng sandatang nukleyar sa
buong daigdig na sa isang iglap lamang ay kayang gunawin
ang ating planeta?
Ano ang dapat itawag sa bansang ito na sa ngalan kuno ng
kontra-terorismo, pagsagip sa demokrasya at kalayaan, o
paghanap sa Weapons of Mass Destruction (WMD) ay basta
na lamang lulusob, papatay, mananakop, at manghihimasok
sa maliliit at mahihinang bansa gaya ng Afganistan at
Iraq?
Ano ang dapat itawag sa bansang lumusob at pumatay ng
4.5 milyong Koreano at 6 na milyong Biyetnames dahil
lamang sa giyera ng kontra-komunismo?
Ano ang dapat itawag sa mga opisyal at sundalong
Amerikano na nagpapahirap ng mga bihag sa kulungan sa Al
Greib sa Iraq?
Ano rin ang dapat itawag sa mga opisyal sa kulungan ng
Guantanamo Bay na sang-ayon sa mga dating bilanggong
British ay sistematiko raw na nagto-torture sa mga
bilanggong tulad nila?
Ano nga ba talaga ang terorismo? Sino nga ba talaga ang
mga terorista?
Kung naimbento na sa Pilipinas noong unang panahon ang
salitang terorista, hindi bandido o magnanakaw ng
kalabaw ang itatawag kay Macario Sakay at sa mga
Katipunerong patuloy na lumalaban sa mga dayuhang
mananakop.
Tatawagin silang mga terorista!
Kaya sa aking palagay, hindi lang talaga dapat tawaging
mga Salita ng Taon terorista at terorismo. Ang mga
salitang ito ay tunay na mga kontrobersiyal na
talinghaga at palaisipan ng taon. |