| |
Text
ni
Sarah Raymundo
Maniniwala ka ba kung sasabihing text ang
lahat ng nakikita mo ngayon at pati na rin ang hindi mo
nakikita? Text ang nanay mo, mga kaibigan at kaaway mo,
text ang lahat ng taong may koneksiyon man o walang
koneksiyon sa iyo. Lahat ng edipisyong nakita mo sa
tanang buhay mo, mga artistang pinanonood mo, mga
kantang pinakikinggan o kinakanta mo mismo, mga kuwento
at tsismis na naririnig at ipinapasa mo, text pa rin.
Pati ikaw text. Text din ako na kasalukuyan mong
binabasa. Text ang lipunan. Samakatwid, text ang buong
mundo at lahat ng nasa ibabaw nito. Paanong nangyari ito?
Nagmula ang salitang text sa wikang Pranses na texte
at sa wikang Latin na textus na tumutukoy sa
tissue, estruktura at konteksto ng isang bagay. Habang
ang pormang pandiwa nito na textere ay
nangangahulugang maghabi, maghubog o magbuo. Sa teknikal
namang paggamit ng salitang textus at texte,
tumutukoy ito sa nilalaman ng anumang nailimbag at
naisulat at ang porma ng anumang sinusulat o binibigkas.
Samakatwid, hindi lang tumutukoy ang salitang text sa
lahat ng kahulugang bitbit ng mga salita, senyas at
simbolo kundi pati rin sa proseso ng pagbubuo at
paghahabi ng kahulugan para sa mga ito. Paano nga ba
nagiging makabuluhan ang iyong engkuwentro sa mga bagay,
lugar at tao? Hindi ba’t sa proseso rin ng paghahabi at
pagbubuo ng mga kahulugan ukol sa mga ito? Kung gayon,
bumubuo ka ng pagkakaunawa sa pamamagitan ng text.
Kumakatawan sa interbensiyon ng tao na lumikha ng saysay
sa pangaraw-araw na buhay ang salitang text.
Sapagkat angkin natin ang kakanyahang maghabi ng
kahulugan sa pamamagitan ng pakikisangkot sa buhay ng
ibang tao sa lipunan, nagagawa nating makabuluhan ang
ating karanasan. Nangangahulugan na sa ating pagdanas sa
buhay, lagi’t lagi tayong nagbabasa ng sitwasyon, upang
matantiya kung paano poposisyon. Sa pamamagitan ng
interaksiyon, paulit-ulit na naisusulat sa aklat ng
kasaysayan ng kolektibong memorya ang istorya ng text na
walang iba kundi ang kuwento natin.
Kasabay ng pagkakatayo ng pormal na edukasyon ang
paggamit sa salitang text. Ginagamit ito sa konteksto ng
mga babasahin sa iba’t ibang asignatura. Ito ang katawan
ng mga tinipong akda na pumopokus sa partikular na
kaalaman. Noong unang bahagi naman ng dekada ’80, naging
sikat na laro ang tex sa mga bata. Modernong bersiyon
ito ng kara-krus. Sa halip na barya, maliliit na baraha
ang gamit dito. Kadalasan, nakaguhit dito ang mga
banyagang super hero at action star gaya nina Superman,
Wonderwoman at Mr. T. May kaakibat na text na
nagpapakita ng thought bubble o dialogue na hango sa
ilang eksena sa kanilang mga pelikula. Inihahagis ang
mga ito at ang maging kapareho ng master card ay
magkakaroon ng takdang puntos. Ang interesante dito’y
pati ang kahihinatnan ng master card ay hindi matitiyak
dahil depende pa rin sa trajectory ng pagkakahagis.
Hindi ba’t ang praktika ng paggagap sa karanasan bilang
resulta ng pamumuhay sa lipunan ay maiuugat sa kahulugan
ng salitang text? Tulad ng larong tex, walang absolutong
konstruksiyon o paghahabi ng kahulugan. Nasa proseso ng
paghahabi ang lahat, nakikipagtunggalian ang lahat para
sa kahulugan. Wala itong ipinagkaiba sa pagbabasa ng
akademya sa mga nakalimbag na texto. Ang pagturing sa
mga ito bilang text ay nangangahulugang pagkilala sa
pagiging madulas ng kahulugan. Sa salitang text,
nagsasanib ang pagbabasa at pagsusulat. sa parehong
pagkakataon, naghahabi at lumilikha ng kahulugan ang tao
ayon sa limitasyon at posibilidad na itinatakda ng
lipunang kinapapalooban niya.
Mas matingkad ang ganitong kahulugan ng text sa
kasalukuyan at pinakasikat na paggamit sa salitang text.
Ang modernong teknolohiya na ito ay napapabalitang
matagal nang ginagamit ng military. Samantala, sinimulan
namang ikalakal ito sa merkado at kinonsumo ng mga may-kayang
Filipino noong huling bahagi ng dekada ’90. Sa ngayon,
hindi lamang ang mga mayayaman o mga propesyonal ang
nagtetext. Maging ang kanilang mga anak at yaya
nagtetext na rin. Sa kasalukuyan, maaari nang magkaroon
ng load ang isang texter sa halagang limang piso. Sa
katunayan maaari na siyang makakuha ng libreng load kung
papasahan siya ng isa pang texter. Ang text ay
pangngalan at pandiwa na nagsisignify ng komunikasyon at
connectivity. Texter naman ang tawag sa taong gumagamit
ng cellphone para magtext. Hinahamon nito ang
nakagawiang porma ng interaksiyon. Kaiba ang text sa
sulat o telegrama dahil mas mabilis ang sagutan dito.
Iba rin ang text sa tawag dahil bukod sa mas mura at
hindi kailangang sagutin agad, dumadaan ito sa proseso
ng pagsusulat na may kaibang moda sa pormal na
pagsusulat dahil pinapaikli at kung minsan, hindi na
kailangan ang salita, puwede na ang smiley. Sa pagtetext,
nawawala na ang mga katawan, bagaman sila’y nandiyan pa
rin sa larangan ng realidad na virtual. Ano ang epekto
ng ganitong fusion ng modernong teknolohiya sa
pampublikong larangan at ang pribadong pagkokonstrak ng
identidad at realidad sa pamamagitan ng paggamit ng
sariling cellphone?
Maraming nagsasabi na napapabilis ng text ang
pagpapakilos para iba’t ibang porma ng pamumuhay at
pakikibaka. Mula sa pakikibaka laban sa korupsiyon,
imperyalismo, pagtaas ng presyo ng langis, pakikibaka
para sa mataas na budget, para sa pag-ibig at para sa
sariling career. Kapag napapabilis ang karanasan at
nalalampasan nito ang espasyo, nagiging matindi ang
posiblidad ng meaning-making at life-altering moment sa
buhay ng tao.
Ngayon, balikan nating ang tanong: Text nga ba ang lahat?
Nagiging text lang ang lahat dahil sa aktibong
pakikilahok natin sa pagbibigay kahulugan. Ang
kapangyarihan ng salitang text ay nakasalalay sa
kahulugan nito bilang paghahabi o pagbubuo ng tao ng mga
kategorya upang maging posible ang buhay sa lipunan. Ang
pagbubuo nating ito ay kinokondisyon din naman ng
lipunan. Sa prosesong ito, maraming kalahok na
nagtutunggalian upang tanghalin bilang tumpak na
kahulugan. Mababatid na kinakatawan ng salitang text
hindi lamang paghahabi ng kahulugan kundi ang pagiging
madulas ng mga ito. Kung gayon, may radikal na
potensiyal ang salitang text. Para sa lahat ng
marginalisado, tulad mo, tulad ko, tulad ng nanay mo, ng
ibang kaibigan at ibang kaaway mo, tulad ng lipunang
Filipino, sa salitang text at lahat ng kinakatawan nito,
nakakapa natin ang ating posisyon sa isang globalisadong
mundo. |