| |
Tsúgi
ni
Rolando Tolentino
Hindi salitang Hapon ang tsugi, pero tila
gayon din kalayo at over ang kahulugan nito. Tsugi ang
isang bagay, karanasan, lugar, tao, at pagkatao kapag
negatibo ang dating nito—loseng, loser, luz, Luz Valdez,
Luzviminda, Luz Gallery, Arturo Luz, Paula Luz, at
Lucila Lalu na pinsang-buo nina Chaka at Chaka Chan. Ang
tsugi ang kabaligtaran ng wagi o winner, Winnie Santos,
Winnie Monsod, Winnie the Pooh, at Winnie Mandela. Sa
telebisyon, ang tsugi ang gamit para ilahad ang
paninigbak sa mga show ng mga hari ng network. (Komentaryo
ni Randy David sa panayam na papel.) Sibak na ligwak na
naging tsugi—ito ay bahagi ng gay o swardspeak, isang
idiolek ng pagkakaunawaan at pagbibigay-ngalan at
kahulugan sa mundong ibabaw ng grupong isinantabi.
Ang tsugi ay pantsatsaka o panlalait. Ang objek ng
panlalait ay isang di makapasa sa pamantayang ng
subhetibismong bading. Ang subhetibismong bading ay ang
etikang panuntunan sa pakikipagkapuwa-tao ng bading.
Etika ito dahil may pagninilay-nilay kung sino ang
ibabrand na tsugi at kung sino ang wagi. Tsugi ka kapag
sobra-sobra ka sa mismong kalabisan ng bading, kasama na
ang attachment sa kloseta o di-paglaladlad. Wagi ka kung
isinasakatawan at kaluluwa mo ang ideal ng campiness ng
bading gayong marami ring sub-identidad ang bading. Kaya
nga ang etikang pagninilay at pagpili ay nakatuon sa
paghulma ng subjectivation o overdeterminasyon ng
pagiging bading sa simbolikong loob ng patriyarka at ng
subjectivation o overdeterminasyon sa pantasya ng
imahinaryo ng tagumpay, pagiging winner at Miss Universe
ng bading.
Overdeterminasyon ito sa konsepto ng Marxistang si Louis
Althusser dahil itinatakda ng mga aparatong represibo at
ideolohiko ang aksiyon at kamalayan ng bading. Halimbawa,
kapag biglang nagpakita sa iyo ang nakahubad na katawan
ng modelong si Marc Nelson, hindi iilan ang magkakaroon
ng strained neck at tila iwas-tingin sa nakahihigit na
preokupasyon sa nilalang na ito. Interpellated ng
simbolong Marc Nelson ang kabadingan dahil itinatakda
nitong simbolo ang panlipunang relasyon ng bading sa
heterosexual na lalaki, na sa isa namang pagbasa, ang
pagkasakop ng pamantayang heterosexual na lalaki sa
panlasa at oryentasyong bading. At sa maraming bading,
ang lunggati (desire) ay libre at di naman ilegal; ito
naman ang pantasya ng ahensiya ng kapangyarihan ng
bading.
Nagagawa ang sirkulasyon ng diyalektiko ng simbolo at
imahinaryo sa ilang lingguwistiko kapamaraanan.
Ibinabagsak ng tsugi ang distingksiyon ng proper at
generic noun, ng angkop at di-angkop na lugar, at
nagkakaroon ng labis na kahulugan sa distingksiyon. Si
Lucila LaLu ang unang chop-chop lady na tunay namang
nalose sa krimeng karanasan sa karahasan sa kababaihan.
Tulad ng urban legend, ang kapangyarihan ng oralidad,
tulad ng idiolek, ay ang posibilidad sa transpormasyon
ng kahulugan at konteksto ng pagkaunawa rito. Si Chaka
Chan ay isang Aprikana-Amerikanang rhythm-and-blues
singer na nagsasaad din ng rasismo dahil sa maliitang
pagtingin sa identidad ng itim. Si Winnie Monsod ang
maton na babaeng ekonomista na nagbebenta ng matalinong
sabong panlaba at lingguhang nagre-referee sa telebiswal
na debate. Si Arturo Luz ang pambansang alagad ng sining
na isang haligi ng modernistang sining biswal na
maaaring mapagkamalang disenyo ng ordinaryong vinyl tile
o linoleum. Sa pamamagitan ng puwersa ng salitang tsugi,
napangingibabaw ang subhetibismong bading bilang
pananaw-panlipunan—walang sinasanto: ang B-movie actress
tulad ni Luz Valdez ay nagiging icon sa kontrabidang
over-acting, o ang sisterette ni “Star for All Season,”
si Winnie Santos ay nagkakaroon ng dagdag na celebrity
life sa pamamagitan ng apropriyasyon ng bading sa
kaniyang ngalan.
Ang taktika ng panlalait at pagkalito ay bahagi ng mga
subalternong grupo na mabigyang-depinisyon ang kanilang
sarili. Ito ay nagmamarka kung sino ang nasa loob at
nasa labas, at ang kabahagi nitong grupo ay sabayang
nasa loob at labas. Nasa loob sila dahil kolektibo ang
digri ng pagkaunawa sa mga salita at lohika ng pagbubuo
ng idea. Nasa labas sila dahil napangingibabawan sila ng
mas makapangyarihang kaayusan at pormasyong
heterosexualidad gayong ang relasyon nila sa status quo
ay nananatiling loob at labas din. Sila ang
makapangyarihang negosyante, manggagawa, at manlilikhang
gumawa sa mga tulad nina Marc Nelson bilang Ken Doll sa
marami nitong ad sa Bench, halimbawa. Sila rin ang
puwersang tumatangkilik ng mga produktong ipinapabenta
kay Marc Nelson. Sa gayon, silang prodyuser ay sabayang
konsumer din ng kanilang nilikha.
Ang tsugi o tsugs ay isang onomatopeia o ang pagbuo ng
pananalita batay sa imitasyon sa natural na tunog na
inihahalintulad sa objek o aksiyon—”echoismo” [mula sa
Webster’s
New World Dictionary
Third College Edition (New York: Simon & Schuster,
1991)] o ekolalya, panggagaya. Katunog ng tsugs ang
pagkaudlot o bangga ng objek. Ginagaya ng tunog ang
aktuwal na kahulugan ng salita. Pero kung paniniwalaan
natin si Ferdinand Saussure, wala naman talagang aktuwal
na kahulugan ang mga salita. Mayroon lamang intimate o
familiar na relasyon ang salita at kahulugan. Kung gayon,
ang ginagaya ng tsugi at maging ang subhetibismong
bading sa pangkalahatan ay isang inaakalang pamilyar at
intimate na relasyong hindi naman talaga nandoon. Nawala
na ang orihinaryong awtentikong kahulugan at relasyon.
Sino nga ba sina Luz Valdez, Chaka Khan, Winnie Monsod
sa kontemporanyong buhay? Ano ang naiaambag nilang
dalumat para magkaroon ng pagkaunawa sa ating hyper-realidad?
Ginagaya ang isang bagay ng nanggagaya sa panggagaya ng
awtentikong relasyon. Maging ang mitikong si Marc Nelson
ay isang simulacrum na rin, o imahen na walang lalim,
artiface na likha ng midya para tangkilikin ang
lifestyle ng pagkalalaki nito. Kung siya ay simulacrum,
di ba ang tumatangkilik sa kaniya ay higit na simulacrum
dahil mayroon silang imahinaryo ng awtentikong identidad
na di naman lalampas sa temporalidad ng pagkonsumo sa
imahen?
Ang tsugi ay paglitaw at paglaho sa eyre. Tulad ng sine,
ito si Brad Pitt o Julia Roberts o Robin Padilla pero
hindi naman talaga sila ito. Ito sila at hindi sila
itong higanteng imaheng kay bilis at kay laking nag-aaparisyon
at naglalaho. Ang iniiwan ay ang latak ng labis. At mula
sa latak ng labis, nagsisimula at umuunlad ang
rehimentasyon ng ating buhay sa materyal at simbolikong
mundo ng konsumerismo, at sa kasalukuyang panahon ng
krisis, ang simulacrum ng konsumerismo. Sa pag-aakalang
mayroon pang higit na nasa labas nitong imahen, sa
kritikal na pagkaunawa sa signifikasyon at pagkalito sa
proseso nito, inihahayag ang paralel na realidad ng
imahinaryo, na mayroong ahensiya para patuwarin,
patindigin, patihayain, paigkasin, padapain,
pangibabawaan, at kung ano-ano pa ang mga simbolo ng
kaayusan at karanasan kay Marc Nelson, patriyarka,
kapitalismo, at piyudalismo. |