|
Isang
malaking kapahamakan ng Wikang Pambansa na wala
itong kampeong Pangulo ng Filipinas pagkatapos
ni Manuel L. Quezon. Wala namang aktibong
makawikang Filipino sa mga nahirang na Kalihim
ng Edukasyon sa loob ng mahigit kalahating siglo.
Lalong lumubha ang sitwasyon ngayon sa
magkasabwat na panunungkulan nina Pangulong
Gloria Macapagal-Arroyo at Kalihim Jesli Lapus,
na kapuwa hayagan at ganap na tumatangkilik sa
globalisasyon bilang pangunahing patakarang
pambansa. Dahil sa buktot na lunggati at dahil
sa walang makabansang bisyon para sa Filipinas,
hindi kataka-takang palaganapin nila ang isang
duling kung hindi man totoong baluktot na mithiin
para sa pambansang
edukasyon.
Kahit saang anggulo silipin, ang kasalukuyang
kampanya para sa Ingles at kontra sa Filipino
ng kauupong Kalihim ng DepEd ay pagpapatindi
lamang sa ganitong layunin ni Pangulong Arroyo
noon pang panahon ni Kalihim Abad. Hindi naganap
noon ang tahas na atas ni Pangulong Arroyo na
ibalik sa Ingles ang wika ng pagtuturo sa lahat ng
antas dahil sa bantulot na pagsunod ng mga
edukador na opisyal sa DepEd. Nito diumanong
panahon ng pansamantalang panunungkulan ni Dr.
Hidalgo ay natikman nito ang gayong sapilitang
atas bukod sa pagmanipula sa totoong krisis
pang-edukasyon. Naawat lamang ang Pangulong
Arroyo nang isa sa miyembro ng gabinete ang
nagwikang, “Baka lumitaw namang katawa-tawa na
tayo lamang ang hindi gumagamit ng Wikang Pambansa
sa buong mundo.”
Nakatagpo ngayon si Pangulong Arroyo ng tapat na
tagapagpatupad ng kaniyang buktot na misyong
pang-edukasyon sa katauhan ni Kalihim Lapus. Hindi
dahil papet lamang si Kalihim Lapus. Manapa,
dahil may magkatulad silang molde ng pagtanaw sa
pamamahala bilang ekonomista, at marahil din,
dahil walang makabansang bisyon ay desperadong
kumakapit sa alindog ng globalisasyon. At marahil
din natorpe na ang naturang miyembro ng
gabinete kaya hindi na napayuhan si Kalihim Lapus
sa kakatwang pagsisikap nitong itampok ang
pagiging dalubhasa sa Ingles bilang pangunahing
mithi ng edukasyong pambansa.
Ang patakarang pang-edukasyon at pangkultura ng
isang bansa ay kailangang mahigpit na kaugnay
ng patakarang pangkabuhayan nito. Sa gayon, ano ba
ang patakarang pangkabuhayan ng
administrasyong Arroyo upang dagliang mangailangan
ng pambansang kadalubhasaan sa Ingles? Kailangan
ba ang Ingles sa ninanais niyang ipagawang mga
tulay at airport? Kailangan ba ang Ingles para sa
pagpapaunlad ng agrikultura? O kailangan
lamang ang mga dalubhasa sa Ingles upang dumami
ang mga maeempleo sa call centers at
maipadadala bilang OFW?
Ang call centers ba at overseas employment ang
pangunahing estratehiyang pangkabuhayan ng
administrasyong Arroyo? Kung ito nga, kawawang
Filipinas. Guma- gastos tayo at gagastos pa ng
milyon-milyong piso sa edukasyon upang
makapag-export ng mga edukadong kabataan o
dumami ang makapaglingkod sa pangangailangan ng
mga dayuhan sa call centers. Sa ganito tunay
na binabaluktot ng ating mga politiko ang
dakilang layunin ng edukasyon hinggil sa
paghubog ng mga kabataang magiging sandigan ng
pagkakaisa at pag-unlad ng bansa. Sa ganito tunay
na binabaligtad ang pandaigdigang katotohanan
hinggil sa praktikaldidad ng paggamit ng sariling
wika sa pag-aaral at pagtuturo, lalo na dahil
malaking porsiyento ng mga kabataang Filipino ang
humihinto ng pag-aaral pagkaraan ng Grade
III.
Mabilisang magkapera. Ito lamang ang pangunahing
lunggati ng administrasyong Arroyo at mga
kaalyado nitong politiko’t negosyante. Matalik
itong kaugnay ng pinalalaganap nitong politika
ng korupsiyon upang makatagal kahit paano sa
pamamahala. Nakahanda ang gobyernong ito na iwaksi
ang dangal, itakwil ang kalayaan, at pagtaksilan
ang sariling kaluluwa para mabilisang
magkapera. Kaya anumang pagsisikap, lumalabas
ang natural at bulok na kalooban nito kapag
naharap sa katunayan. Halimbawa, ang totoong
pagtuturing sa mga OFW bilang mga gatasang baka,
sa halip na mga “bagong bayani,” gaya ng
nabulgar ngayong napipilitang paggastos para
ilikas at iligtas ang mga Filipino sa
Lebanon.
Ang malungkot, hawak nito ang buong lakas ng
gobyerno upang ipilit ang buktot at baluktot na
pakana. Sa pamamagitan ng makinaryang
pampropaganda, nagtatagumpay ito sa pag-akit
sa sambayanan na kailangan ang Cha-Cha at
pinakamagandang paraan ang people’s initiative
para baguhin ang Konstitusyon. Sa pamamagitan din
ng ulit-ulit na pagdidiin sa birtud ng Ingles
upang mahango tayo sa kahirapan, tumitiim kahit sa
mga edukador, gaya ni Direktor Margarita
Jasmin ng Cordillera, na kailangang humusay
tayong lahat sa Ingles para higit na umakit ng
mga dayuhang kompanya dito. Hindi
naiisip ng tulad ni Direktor Jasmin na
natatakot pumasok dito ang mga kompanyang dayuhan
dahil sa korupsiyon, dahil sa kidnaping at
talamak na kriminalidad, dahil sa masasamang
serbisyo ng koryente at telekomunikasyon, at
kaya hindi pa rin papasok ang mga dayuhang
kompanya dito kahit maging dalubhasa tayong lahat
sa Ingles kung hindi malulutas ang naturang
mga problema.
Kailangan natin ang isang totoong makabansang
bisyong pang-edukasyon, isang bisyong
magdudulot ng edukasyon tungo sa pagkakaisa at
kaunlaran ng Filipinas. Sa ganitong bisyon,
higit nating kailangan ang lahat ng malusog at
matalinong kabataan upang magpasigla sa mga
industriya at gawaing pang-agrikultura at
maglingkod sa iba’t ibang pangangailangan ng
sambayanan. Sa ganitong bisyon, unti-unti nating
papawiin ang mga dahilan kung bakit kailangang
paalisin natin at pabayaang maging alipin ng mga
banyaga ang maraming mamamayang Filipino. Sa
ganitong bisyon, higit nating kailangan ang
wikang Filipino bagaman mananatili ang Ingles
bilang wikang pantulong sa ating natatanging
mga pangangailangan, lalo na sa ugnayang
pandaigdig.
|