|
Sa dinami-dami ng mga nasulat ko
hinggil sa wika mula noong dekada 60, maaaring
nakapaglathala na ako ng pagkatig sa mga guro na
isang sagabal sa wastong pagtuturo ng wika
(Filipino man o Ingles) ang tinatawag na Taglish.
(May nagsabi sa akin na si Tony Velasquez ng
Kenkoy ang umimbento ng “Taglish” at “Engalog.”
Taglish daw kapag nananaig ang Tagalog at Engalog
kapag higit na pinaiiral ang Ingles.) Dahil sa
gayong haka, maaaring nasabi ko rin na masamâ ang
Taglish.
Marami pa rin akong alinlangan sa
Taglish.
Gayunman, hindi ko sasawatain ang
pagpasok ng Taglish sa kumbersasyon at kahit na sa
mga dagliang sulat. Masyadong purista ang mga
gurong nais magbawal sa Taglish sa kanilang klase.
Hindi nila iniisip ang realidad, lalo na sa
kasalukuyang problema ng mga mag-aaral. Hindi nila
matanggap ang katotohanan na malakíng bahagi ng
karanasang pang-araw-araw ng mag-aaral ngayon ang
paggamit ng Ingles kahit sa pagbása lámang ng mga
bilbord at karatula sa lansangan, pagbása ng
de-látang pagkain at inúmin, panonood ng TV
(lalo’t cable TV), pakikinig ng radyo. Dahil dito,
marami sa kanilang iniisip ang nása Ingles.
U-Turn, PedXing, Exit, Open, Tsanel, Mall, Text,
Klerk, Kard. O kaaway bílang pangunahin ng mga
bagay na naranasan din nila sa Filipino, “Noodles”
o “pansit”? “Titser” o “guro”? “Dog” o “aso”?
“Car” o “kotse”?
Hinahangaan ko sa bagay na ito ang
mga lingguwistasero, lalo na sa UP, na
nakipaglaban para kilalanin ang gawaing ito bílang
bahagi lámang ng katotohanan sa ating panahon.
Dapat nating tanggapin ang katotohanan na hindi
naman totoong lumaya ang Filipinas sa Estados
Unidos noong ideklara ang pambansang kasarinlan sa
Luneta. Umalis lámang ang mga pinunòng Amerikano
sa ating bansa ngunit nananatili ang
impluwensiyang Amerikano sa lahat ng aspekto ng
ating búhay. Ang tingin ko nga, hábang tumatagal,
higit táyong nararahuyo sa bighani ng kulturang
Amerikano, at siyempre pa, ng Ingles bílang wika
ng globalisasyon. Sinusuot na ng Ingles kahit ang
dila ng kanto boy (tingnan pa ang naghalong
Espanyol at Ingles sa “kanto boy”!) kayâ’t kung
noong bago magkadigma ay wala pang sandaang salita
mula Ingles ang palasak, daan-daan ngayon ang
lumalaganap taon-taon.
Ang pagtanggap sa katotohanang
ito ay hindi isang pagsusuko sa pangunahing papel
ng Filipino sa paaralan. Pagyukod ito sa
praktikalidad. Bukod pa, pagtanggap ito sa
simulain ng panghihiram bílang isang magaan at
magandang paraan ng pagpapayaman sa ating
katutubong wika. Dapat nating isipin na
napakaraming makabagong bagay at konsepto ang
sadyang nagmumula ngayon sa Kanluran at mabilis
nating naipapasok sa ating búhay ang naturang
makabagong bagay at konsepto sa pamamagitan ng
paghiram sa mga pangalang nito sa Ingles. Ano ba
ang ipapalit natin sa computer, internet, o kahit
bolpen? Maganda ang “bantayog” o “balikbayan”
ngunit gaano kayâ kabilis makalilikha ng ganito
ang ating mga manunulat at tagasalin upang
maagapan ang dumadagsang banyaga at modernong
teknolohiya.
Nagaganap ngayon sa
pamamagitan ng Ingles ang pagpasok noon ng
libo-libong salita at idyomang Espanyol sa loob ng
tatlong dantaon ng pananakop.
Sa kabila nito, naniniwala pa
rin akong dapat disiplinahin ang Taglish sa loob
ng klase. Kung bagá, dapat gamitan ng preno.
Ipaliwanag sa mag-aaral ang kabuluhan ng
panghihiram upang yumaman ang kanilang wika’t
isipan. Upang kaugnay nito’y linawin din sa kanila
ang masamâng bisà ng walang-pakundangang paggamit
ng salitâ’t praseng Ingles. Iba ang malikhain at
pihikang panghihiram kaysa pikitmatang panggagaya.
Yumayaman ang Filipino kung idagdag ang “titser”
bílang singkahulugan ng “guro” at
“maestra/maestro.” Subalit nalulugi ang Filipino
kung igigiit na “titser” lámang ang gamítin ng
lahat, dahil ito ang popular, at kahit hinggil sa
paaralan noong panahon ni Rizal, upang balang araw
ay malimot na ng madla ang “guro” at
“maestra/maestro.” Marahil din, tatanggapin ng mga
probinsiyano sa daratíng na mga araw ang
ekspresyong “actually” sa bukana ng bawat
pangungusap. Ngunit kawawa naman sila kung
pipiliting magsalita ng “Actually, bright naman
siya. Wala lang chance mag-show ng talent
niya.”
Mahalaga ang gampanin ng guro
sa sinasabi kong pagdisiplina. Siya mismo ang
kailangang maging modelo sa paggamit ng
kanais-nais na Filipino sa loob ng klase, at siya
rin ang makapagluluwag o makapaghihigpit sa uri ng
Taglish na ipahihintulot sa loob ng klase. Kapag
labis siyang naghigpit, lilitaw siyang purista.
Kapag labis siyang nagluwag, magiging kasangkapan
siya sa higit pang pangingibabaw ng Taglish sa
hanay ng mga kabataan. Paano magluluwag at paano
maghihigpit? Dapat itong paglaanan ng masusuing
diskusyon ng mga guro’t eksperto sa
Filipino.
Ang higit ngayong bukal ng aking
alinlangan ay ang kamulatang nagsusulong sa
Taglish.
Nasabi ko na rin yata noon na
sintomas ng katamaran ang Taglish, ng kawalan ng
sikap túngo sa higit na masinop na wika ng
pahayag. Na sintomas ito ng kawalan ng malasákit
upang patúloy na buháyin sa ating dila ang
batayang bokabularyo ng ating nililinang na wikang
pambansa. Na sintomas din ito ng kawalan ng lingap
sa kasaysayan. At magkakaugnay ang mga naturang
sintomas.
Nais ko pang idagdag ngayon ang
sospetsa hinggil sa uri ng karunungang
ipinapanukala at pinalalaganap ng kamulatang
nagsusulong sa Taglish. Una, isang kamulatan ito
na sa isang bandá’y may mahinàng pagkaunawa bukod
sa totoong may mababàng pagtingin sa karunungang
taglay ng wikang Filipino. Kayâ alinsunod sa
kamulatang Taglish, hindi lámang minomodernisa ng
Ingles ang Filipino. Isinasanib din ng Ingles sa
Filipino ang karunungang hindi kailanman maaabot
ng Filipino kung wala ang Ingles. Sa gayon, at
ikalawa, naniniwala ang kamulatang Taglish na
Ingles lámang ang tangi at katangi-tanging wika ng
karunungan. Ikatlo, wala itong tiwala sa
karunungang nakapahayag sa
Filipino.
Ang kamulatang Taglish ay isa lámang
manipestasyon ng kaisipang kolonyal sa hanay ng
mga edukado’t mariwasa sa ating lipunan. Ginagamit
nitong balatkayo ang Taglish upang patúloy na
maliitin ang pagsisikap na linángin at palaganapin
ang isang wikang pambansa batay sa katutubong
wika. Mistulang bentot ang Taglish upang
ipahiwatig ang kabuluhan ng Ingles sa
modernisasyon, upang silawin at bighaniin ang
nakararaming mangmang at maralita sa alindog ng
Ingles bílang palamuti sa kanilang sariling wika.
Upang palitawin itong “mas magaang na pampalit” sa
lagi nitong idinadaing na “mahirap bigkasin” dahil
“mahahabà at nakabubulol” at kayâ “mahirap
unawain” na mga katutubong salita sa Filipino. Na
para bang ang bokabularyo ng mataas na karunungan
sa Ingles ay lagi ngang monosilabiko. Na para bang
napakadali ngang basahin at bigkasin ang kahit
ordinaryong salita sa Ingles. Ngunit sa bisà ng
tinig nitong awtoritatibo dahil tinitingalang
mayaman at nakapag-aral, nagiging lehitimo ang
lahat ng mga naturang argumento ng kamulatang
Taglish, inuulit-ulit ng mga peryodistang
Inglesero, at pinaniniwalaan hábang lumalaon ng
kahit mga dukha—lalo’t kailangan nilang maniwala
na higit nilang kailangan ang Ingles upang
mabúhay.
Malaki din ang sospetsa ko na totoo
na ngayong naniniwala ang kamulatang Taglsih sa
pinalaganap nitong argumento laban sa Filipino.
Ang ibig sabihin, hindi ito mangingiming
impagmalakí ang “madali nitong pagkatuto ng
Ingles” upang maging halimbawa ng 99% ng
sambayanang Filipino na itinuturing lámang nitong
bobo o mahina ang titser kayâ hindi makapagsalita
ng mahusay na Ingles. Lagi nitong ipaghihimagsik
ang pagdurusang pinagdaanan upang maunawaan ang
halimbawa’y “kapansanan” na kung bakit iginigiit
diumano bílang salin ng disability gayong sa
paniwala nito’y sapat na ang alam nitong
“depekto.” Hindi nito alam na orihinal at hindi
salin ng disability ang “kapansanan.” Hindi rin
nito alam na iba ang disability sa defect. At
maririmarim lalo ito kapag narinig na “pinsala”
ang higit na katumbas ng defect. Ayaw nitong
maging eksakto ang Filipino ngunit pinagtatawanan
nito ang diumano’y kawalan ng precise at teknikal
na bokabularyo ng wikang
pambansa.
Ang higit kong ikinababalisa sa
kamulatang Taglish ay ang kawalan nito ng
kakayahang tumuklas ng sarili’t awtentikong
karunungan. Sapagkat lagi itong umaasa sa
karunungang dulot ng wikang Ingles, nagiging
dalubhasa itong tagapagpaliwanag at interpreter,
at nasisiyahan na sa gayong tungkulin. Magandang
basahin ang mga tesis at disertasyon ng ating mga
iskolar kahit sa Unibersidad ng Pilipinas, at
surrin kung paanong nagiging sangkalan ng
katakot-takot na talababâ ay mahahabàng listáhan
ng sanggunian upang patunayan ang pangalawahin o
kahit pangatluhing uri ng kaisipang nilalamán ng
pag-aaral. Magandang pakinggang magpanayam ang
ating mga propesor at kritiko upang ipaliwanag ang
kanilang interpretasyon sa teorya o pamamaraan ng
kanilang paborito’t hinahangaang teoretisyan sa
Kanluran.
Dito ko nais usigin ang mga mga
lingguwistaserong taga-UP na hayagang propeta ng
Taglish bílang isang kailangang sangkap ng wikang
pambansa. Hindi kayâ pinaglalaruan lámang nila ang
wikang Filipino at ang mga alagad ng wika dahil sa
taglay nilang doktorado sa lingguwistika? Hindi
kayâ ikinikubli lámang nila sa kanilang
pagsusulong ng Taglish ang totoong kamangmangan
nila sa wikang Tagalog na batayan ng Filipino?
Kayâ palá malimit na nása Ingles ang kanilang
sulatín? At kayâ palá kailangang ipakilála nila
ang maestrong banyaga sa bawat munting kurong
ipalathala nila hinggil sa ating
wika?
Sa maikling salita, may
haka ako na isang hadlang sa pagtuklas ng orihinal
at totoong karunungan ang kamulatang Taglish. Isa
rin itong makinasyon upang mapigil ang paglinang
natin sa wikang Filipino bílang wika ng
karunungang Filipino. Sana, marumi lang ang isip
ko. |