|
ANG SALITA NG TAON
Maaaring ituring na Salita ng Taon ang isang salita,
bago man o luma, na nakapukaw sa pambansang guniguni o
nakaapekto nang malaki sa mga usaping pampolitika,
panlipunan, pang-ekonomiya, at iba pang aspekto ng buhay-Filipino
sa loob ng nakaraang isa o dalawang taon. Hindi man
sabihin, isang salita ito na naging popular o karaniwan
at makabuluhang ginagamit ng mga mamamayan sa iba’t
ibang antas ng pagtukoy at pag-unawa sa kanilang mga
pansarili at panlipunang karanasan. Isang mahalagang
dagdag ang Salita ng Taon sa bokabularyo ng bayan at
karapat-dapat na magkaroon ng espasyo sa pambansang wika
at diksiyonaryo. Sa madali’t salita, maaaring kilalaning
Salita ng Taon ang anumang salita na:
· Bagong imbento
· Bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika
· Luma ngunit may bagong kahulugan
· Patay na salitang muling binuhay
PAGPILI
NG SALITA NG TAON
Maaaring magpasa ang sinumang interesado o makawika ng
salitang sa tingin niya ay karapat-dapat na kilalaning
Salita ng Taon. Narito ang mga hakbang na pagdaraanan ng
sinumang lalahok sa pagpili ng Salita ng Taon:
· Pagpapasa ng isang pahinang panukala na naglalaman
ng 1) etimolohiya o pinagmulan ng salita, 2) mga tiyak
na gamit ng salita, at 3) mga dahilan kung bakit dapat
kilalaning Salita ng Taon ang inilalahok na salita.
30 Marso 2007 ang huling araw ng pagpapasa. Ipadala ang
lahok sa tanggapan ng Filipinas Institute of Translation
sa Rm. 2082, Bulwagang Rizal, College of Arts and
Letters, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City
o sa pamamagitan ng email: filipinas.translation@gmail.com.
· Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng
Filipinas Institute of Translation kung alin sa mga
panukalang salita ang karapat-dapat na piliin bilang mga
nominado para sa Salita ng Taon
Makatatanggap ng liham na nagpapabatid na natanggap ang
lahok mula sa pamunuan ng Filipinas Institute of
Translation sa o bago sumapit ang 30 Abril 2007.
· Pagbuo ng papel na nagpapaliwanag kung bakit ang
salitang ipinanunukala ang dapat itampok na Salita ng
Taon. Dapat na maipasa ito sa pamunuan ng FIT sa ika-30
ng Mayo 2007.
Babasahin ng mga editor na itatakda ng FIT ang mga
binuong papel. Magsasagawa ng rebisyon alinsunod sa mga
pagpansin o panukalang gagawin ng mga editor. Kailangang
maipasa ang nirebisang papel sa 29 Hunyo 2007.
· Presentasyon ng papel sa pambansang kumperensiya
na Sawikaan 2007 na gaganapin sa 2-3 Agosto 2007 sa
Pulungang Rector, Bulwagang Rizal, Kolehiyo
ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas,
Diliman.
· Huhusgahan ang mga lahok batay sa lawak ng
pananaliksik, bigat ng mga patunay, at linaw ng
paglalahad at pangangatwiran.
Pipili ng una, ikalawa, at ikatlong Salita ng Taon.
Tatanggap ng gantimpalang salapi ang mga magwawagi mula
sa Blas Ople Foundation.
[BALIK] |