| |
Ang Pambansang Lupon sa Wika at Salin, National Commission
for Culture and the Arts (NCCA) ay nagtaguyod ng forum sa
ispeling na naganap noong 13 Agosto 2005, 2 Marso 2006, at
21 Abril 2006 na dinaluhan ng mga kinatawan ng samahang
pangwika, kagawaran sa Filipino, sentro sa pananaliksik, at
Komisyon sa Wikang Filipino, mga guro, mga manunulat, mga
editor, at mga masugid na alagad ng wika. Natuon ang
talakayan sa mga suliraning dulot ng mga bagong titik sa
alpabetong Filipino at ng modernisasyon sa buhay at wika ng
mga Filipino, bagaman pumasok din sa pag-uusap ang ilang
lumang suliraning nangangailangan ng higit na malinaw na
pasiya.
Narito po ang mga napagkasunduang tuntunin sa pagbaybay na
resulta ng tatlong serye ng forum:
1. Hinggil sa mga Bagong Hiram na Salita
1.1 Baybayin alinsunod sa paraan ng wikang Filipino ang mga
bagong hiram na salita,
maliban sa sumusunod na kaso:
1.1.1 Pangngalang pantangi. Halimbawa, Shih Huang Tih,
Washington Circle,
Shinjuko, Czech, National Basketball Association, Halili
Beer, Victoria Peak.
1.1.2 Teknikal o siyentipikong salita. Halimbawa, carbon
dioxide, chemotherapy,
green house effect, pizzicato, sodium glutamate, varicose,
x-ray.
1.1.3 Salitang may natatanging kahulugang pangkultura.
Halimbawa, bolshoi,
feng shui, geisha, gourmet, jazz, joie de vivre, kibbutz,
mardi gras, pizza.
1.1.4 Malayo na ang anyo sa orihinal kaya mahirap makilala o
nagiging kakatwa
ang anyo kapag binaybay sa Filipino. Halimbawa, “jeywoking”
(jaywalking),
“rendevu” (rendezvous), “saykayatrist” (psychiatrist), “klu”
(clue), “oderv”
(hors d’euvre), “feris wil” (ferris wheel), “pastits”
(pastiche), “montadz”
(montage).
1.1.5 Kilala na sa orihinal at banyagang anyo ng mga hiram
na salita. Halimbawa, box, cat,
coke, duty-free, exit, faux pas, fax, file, jai alai,
jogging, mall, save, shabu,
shop, stop, store, taxi, whisky, x-rated.
1.2 Sa pagbaybay ng mga salitang hiram na naglalaman ng
alinman sa 11 tunog
patinig sa Ingles, piliin ang pinakamalapit sa tunog at anyo
ng palabaybayang
Filipino. Halimbawa, drayb (drive), geyt (gate),
istandardiseysiyon
(standardization), layt (light).
1.3 Inihihiwalay ng gitling ang panlapi sa hiram na salita.
Halimbawa, mag-delete,
i-delete, nag-hot oil, i-salvage, mag-email-han. Iwasan ang
gitlapi kapag
ginagamit na pandiwa ang mga hiram na salita at hindi binago
ang baybay. Ngunit
kung hindi maiwasan ang gitlapi, baybayin sa Filipino ang
hiram na salita.
Halimbawa, dumelit, hinat-oyl, sinalveyds, inimeyl.
2. Hinggil sa mga Bagong Titik
2.1 Gamitin ang mga titik F, J, V, at Z sa mga bagong hiram
na salita at binaybay sa
Filipino. Halimbawa, forum, futbol (mula sa Espanyol), jet,
javelin, visa, varayti,
ziper, zigzag.
2.1.1 Gamitin din ang mga titik F, J, V, at Z sa mga salita
mulang katutubong
wika ng Filipinas na may ganitong mga tunog. Halimbawa,
Ifugaw, Ivatan, laji, vihud, zakat.
2.1.2 Hindi na kailangang gamitin ang mga titik F, J, V, at
Z sa mga hiram na
salita na matagal nang binaybay alinsunod sa 20 titik ng
abakada.
Halimbawa, alpabeto (alfabeto), bapor (vapor), baso (vaso),
birhen (virgen), bisyon
(vision), dyaket (jacket), dyambol (jump ball), dyanitor
(janitor), dyip (jeep),
dyunyor (junior), opisyal (oficial), piyansa (fianza), pondo
(fondo), pormal
(formal), sapatos (zapatos), sapiro (zafiro), sarsuwela
(zarzuela).
Mahalagang patnubay sa pormalisasyon ng mga lumang hiram na
salita at
binaybay sa akakada ang mga diksiyonaryo nina Jose Villa
Panganiban at
Vicassan.
2.1.3 Hindi rin kailangang gamitin ang mga titik F, J, V, at
Z sa bagong hiram na salita
kung deribatibo o nagmula lamang ito sa isang salita na
matagal nang
hiniram. Halimbawa, rebisyon (revision) dahil mula lamang
ito sa matagal
nang hiram na bisyon; pormalismo (formalismo) na mula lamang
sa porma/pormal.
2.2 Gamitin lamang ang J sa mga bagong hiram na salita na
may orihinal na tunog
(dyey) at titik J. Halimbawa, jam, jar, judo, juniper,
jinggel (jingle), jornal
(journal), jakpat (jackpot), hayjak (hijack).
2.2.1 Hindi ito ginagamit sa mga hiram mulang Espanyol na
may titik J ngunit
tunog H. Halimbawa, kahon (cajon), hardin (jardin), hawla (jaula),
hepe
(jefe), heringgilya (jeringuilla), hustisya (justicia).
2.2.2 Hindi rin ito ginagamit sa mga hiram mulang Ingles na
may titik G ngunit
tunog J. Sa halip, gamitin ang DY alinsunod sa paraang
abakada noon kapag
may ganitong kaso. Halimbawa, adyenda (agenda), badyet
(budget),
dyenereytor (generator), dyin (gin), madyik (magic), mardyin
(margin).
Kung nag-aalinlangan sa ganitong pagbaybay, isang solusyon
ang paggamit
ng katumbas na salita mulang Espanyol. Halimbawa, gamitin
ang heneral
(mula sa Espanyol na general) para sa “Heneral Garcia” sa
halip na
baybaying dyeneral (ang Ingles na general); gamitin ang
Espanyol na
heneriko (generico) sa halip na pa-Ingles na dyinerik
(generic); gamitin ang
Espanyol na heograpiya (georafia) o heolohiya (geologia) sa
halip na
pa-Ingles na dyiyografi (geography) o dyiyolodyi (geology).
2.3 Gamitin ang C, Q, Ñ, at X sa mga salitang hiram na hindi
binabago ang baybay.
Halimbawa, cable, cinema, El Niño, exit, coño, mañana, niña
bonita, quarter,
quartz, queen, status quo, tax, taxi, techno, telex, x-ray.
2.3.1 Ang C ay nagiging S o K, alinsunod sa bigkas nito sa
salita, kapag binaybay
sa Filipino ang hiram na salita. Halimbawa, kontrol
(control), kontemporari
(contemporary), korni (corny), korona (corona), korporal
(corporal), kudeta
(coup d’etat), asido (acido), saykel (cycle), sigarilyo
(cigarillo), silinder
(cylinder), sínikó (cinico), sipres (cypress) , sirko (circo),
siyudad (ciudad).
2.3.2 Ang Q ay nagiging KW(KUW) o K, alinsunod sa bigkas
nito sa salita, kapag
binaybay sa Filipino ang hiram na salita. Halimbawa, eskema
(esquema),
keso (queso), kerida (querida), kilo (quilo), kimika (quimica),
kinse (quince),
kinta (quinta), kinteto (quinteto), kwintuplet (quintuplet),
iskuwad (squad),
iskuwirel (squirrel).
2.3.3 Ang Ñ ay nagiging NY kapag binaybay sa Filipino ang
hiram na salita.
Halimbawa, banyo (baño), kanyon (cañon), donya (doña), pinya
(piña),
senyora (señora)
2.3.4 Ang X ay nagiging KS kapag binabay sa Filipino ang
hiram na salita.
Halimbawa, boksing (mula sa Espanyol na boxear), eksibit
(exhibit), eksodo
(exodo), ekspedisyon (expidicion), eksperimento
(experimento),
eksperyensiya (experiencia), ekspres (express), ekstra
(extra),
leksikograpiya (lexicograpia), mikser (mixer), taksonomiya
(taxonomia),
teksbuk (textbuk), teksto (texto), seks (sex), seksuwal
(sexual).
3. Hinggil sa Pagpapalit ng U sa O at I sa E
3.1 Panatilihin ang titik O sa pagbaybay ng salitang hiram.
Halimbawa, komedya
(comedia) sa halip na “kumedya,” kompanya (compañia) sa
halip na “kumpanya,”
kongreso (congreso) sa halip na “kungreso,” kontrobersiya
(controversia) sa halip
na “kuntrobersya,” koryente (corriente) sa halip na
“kuryente,” Miyerkoles
(Miercoles) sa halip na “Myerkules,” nasyonal (nacional) sa
halip na “nasyunal,”
opisyal (oficial) sa halip na “upisyal,” politika (politica)
sa halip na “pulitika,”
tradisyonal (tradicional) sa halip na “tradisyunal.”
3.1.1 Nagiging U lamang ang O kapag napalitan din ang
kasunod nitong katinig,
gaya sa kaso ng N na nagiging M, bilang pagsunod sa
palabigkasang
Filipino. Halimbawa, kumbensiyon (convencion), kumbento
(convento),
kumbersasyon (conversacion), kumbersiyon (conversion),
kumbida
(convidar), kumbiksiyon (conviccion), kumbinsi (convencer),
kumboy
(convoy), kumbulsiyon (convulsion), kumperensiya
(conferencia),
kumpirmasyon (confirmacion), kumpisal (confesar),
kumpiyansa,
(confianza), kumporme (conforme).
3.2 Panatilihin ang E sa pagbaybay ng salitang hiram.
Halimbawa, desgrasya
(desgracia) sa halip na “disgrasya,” deskarga (descarga) sa
halip na “diskarga,”
eskandalo (escandalo) sa halip na “iskandalo,”
estandardisasyon (estandardizacion)
sa halip na “istandardisasyon,” estasyon (estacion) sa halip
na “istasyon,” estorbo
sa halip na “istorbo,” estrikto (estricto) sa halip na
“istrikto,” estropa (estrofa) sa
halip na “istropa,” estruktura (estuctura) sa halip na
“istruktura.” Tandaan lamang
na totoong I at hindi E ang nasa sumusunod na salitang
hiram: diskriminasyon
(discriminacion), disgusto, disidente, disimulado, dispensa,
disposisyon (disposicion),
distribusyon (distribucion), isleta, iskiyerda (isquierda)
4. Hinggil sa mga Katinig na Inuulit
4.1 Tanggalin ang isa sa dobleng katinig kapag binaybay sa
Filipino ang hiram na salita.
Halimbawa, buletin (bulletin, at iba sa boletin ng
Espanyol), enrolment (enrollment),
gramar (grammar), patern (pattern).
5. Hinggil sa mga Digrapong CH, SH, CT
5.1 Panatilihin ang orihinal na baybay ng mga bagong hiram
na salita na may
digrapong CH at SH. Halimbawa, cherry, cheese, chit, chop,
spinach, shampoo,
shell, ship, shop, workshop, brush, toothbrush, ambush,
crash, flush, flush drive,
flashlight, backlash.
5.1.1 Naging TS at SY na ang CH at SH sa ibang matagal nang
hiram na salita.
Halimbawa, biskotso (bizcocho), letse (leche), suspets a
(sospecha),
tsampaka (champaca), tsapa (chafa), tsaperon (chaperon),
tseke (cheque),
tsina (china), tsismis (chismear), tsitsa (chicha), tsuper
(chofer), sitsaron
(chicharron), swits (switch), syorpet (sure fit), syuting
(shooting).
5.2 Nagiging K ang CT kapag binabaybay sa Filipino ang hiram
na salita. Halimbawa,
abstrak (abstract), adik (addict), artifak (artifact), impak
(impact), kontrak
(contract), korek (correct).
6. Hinggil sa mga kambal-patinig sa mga hiram na salita
mulang Espanyol
6.1 Maaaring uriin ang mga patinig sa malakas (A, E, O) at
mahina (I, U). Dahil dito,
may dalawang pangkalahatang tuntunin ang pagbaybay sa
kambal-patinig.
6.1.1 Binibigkas nang buo ang dalawang malakas na
kambal-patinig. Halimbawa:
6.1.1.1 (AE) aerodromo, Gaeliko (gaelico), maestro;
6.1.1.2 (AO) aorta;
6.1.1.3 (EA) idea, ideal, idealismo, real, realidad, teatro;
asotea
6.1.1.4 (EO) estereo, heolohiya, kontemporaneo, koreo, leon,
neon,
teolohiya, teorya, torneo, video;
6.1.1.5 (OA) boa, loa, Zamboanga;
6.1.1.6 (OE) poema, poesiya, poeta.
6.1.2 Napapalitan ng Y ang mahinang I at ng W ang mahinang U
sa
kombinasyon ng mahina at malakas na patinig. Halimbawa:
6.1.2.1 (AI) ayre (aire), baylarina (bailerina), bayle
(baile), bayna (baina),
parakayda (paracaida), paysahe (paisaje), paysano (paisano),
maliban sa maís (maíz) at país na may tuldik;
6.1.2.2 (IA) barberya (barberia), barya (varia), baryo
(barrio), baterya
(bateria), memorya (memoria), paranoya (paranoia), trahedya
(tragedia);
6.1.2.3 (EI) beynte (beinte), beysbol (beisbol), ley (lei),
reyna (reina),
treynta (treinta), maliban sa seis/ sais;
6.1.2.4 (IE) baryedad (variedad), Disyembre (diciembre),
kinyentos
(quinientos), meryenda (merienda), Nobyembre (noviembre),
serye (serie), Setyembre (septiembre), yelo (hielo), yerba
(hierba),
yero (hierro);
6.1.2.5 (IO) bakasyon (vacacion), basyo (vacio), bisyo
(vicio), bisyon
(vicion), bokasyonal (vocacional), desisyon (decision),
demonyo
(demonio), dibisyon (division), edukasyon (educacion),
episodyo
(episodio), henyo (genio), Hulyo (julio), Hunyo (junio),
komisyon
(comision), komposisyon (composicion), kondisyon
(condicion),
kumbersasyon (conversacion), misyon (mision), nasyon
(nacion),
nasyonal (nacional), internasyonal (internacional), nobyo
(novio),
pasyon (pasion), pisyologo (fisiologo), posisyon (posicion),
presyo
(precio), sekundaryo (secundario), sesyon (sesion), serbisyo
(servicio), seryo (serio) sesyon (sesion), tradisyon
(tradicion);
6.1.2.6 (AU) awditor (auditor), awto (auto), awtoridad
(autoridad), bawtismo
(bautismo), lawrel (laurel), hawla (haula bagaman may
gumagamit
dito sa anyo nitong haula at may tatlong pantig), maliban sa
baúl
na may tuldik sa mahinang patinig;
6.1.2.7 (UA) agwa (agua), agwador (aguador), biswal
(visual), estatwa
(estatua), karwahe (carruaje), kaswal (casual), manwal
(manual);
6.1.2.8 (UE) entreswelo (entresuelo), konsekwensiya
(consecuencia),
poswelo (posuelo).
6.1.2.9 Pansinin: Problema ang kaso ng EU, gaya sa Europa na
dapat
sanang bigkasing “Ewropa” o “Yuropa.” Sa halip, makiling ang
gamit
sa pagpapanatili sa naturang kambal-patinig, kaya Europa ang
kinikilingang baybay sa Europa; at gayundin ang nagaganap sa
eufemismo (eufemismo), eukaristiya (eucaristia), euforya
(euforia),
eukalipto (eucalipto) bagaman binibigkas ang mga ito na
“yufemismo,” “yukaristiya,” “yuforya,” “yukalipto.”
6.1.3 Hindi nasusunod ang tuntunin blg.6.1.2 at sa halip,
isinisingit ang Y o W
sa kambal-patinig sa mga sumusunod na kaso:
6.1.3.1 Kapag nasa gitna ng una at ikalawang pantig ng
salita ang
kambal-patinig. Halimbawa, biyahe (viaje), biyeho (viejo),
Biyernes
(viernes), biyuda (viuda), biyograpiya (biografia),
biyolohiya
(biología), buwelo (vuelo), buwelta (vuelta),buweno (bueno),
diyabetes (diabetes), diyablo (diablo), diyalekto
(dialecto),
diyamante (diamante), diyametro (diametro), diyaryo
(diario),
diyalogo (dialogo), diyes (diez), diyos (dios), duwende
(duende),
giya (guia), guwapo (guapo), guwardiya (guardia), Huwebes
(jueves), huwes (juez), huwisyo (juicio), kuwaderno
(cuaderno),
kuwadro (cuadro), kuwadrado (cuadrado), kuwaresma
(cuaresma),
kuwartel (cuartel), kuwarta, (cuarta), kuwarto (cuarto),
kuwatro
(cuatro), kuwelyo (cuello), kuwerdas (cuerdas), kuwenta
(cuenta),
kuwento (cuento), kuwalipikasyon (cualificacion), kuwestiyon
(cuestion), kuwidaw (cuidao), Miyerkoles (miercoles),
muwebles
(muebles), muwestra (muestra), niyebe (nieve), nuwebe
(nueve),
nuwesto (nuestro), piyano (piano), piyansa (fianza), piyer
(pier),
priyoridad (prioridad), puwede (puede), puwera (fuera),
puwerta
(fuerta), puwesto (puesto), ruweda (rueda), siyensiya
(ciencia),
siyentipiko (cientifico), siyete (siete), siyensiya
(ciencia), siyudad
(ciudad), suwabe (suave), suwelo (suelo), suwerte (suerte),
tiyempo
(tiempo), triyanggulo (triangulo), tuwalya (toalla), tuwerka
(tuerca).
6.1.3.2 Kapag sumusunod ang kambal-patinig sa tunog na H.
Halimbawa,
analohiya (analogía), biyolohiya (biología), buhiya (bujía),
ekolohiya (ecologia), estratehiya (estratehiya), kolehiyo
(colegio),
lehiyon (legion), lehiyonaryo (legionario), lihiya (lijía),
liturhiya
(liturgia), paraplehiya (paraplejía), pribilehiyo
(previlegio),
prestihiyo (prestigio), rehiyon (region), relihiyon
(religion),
terminolohiya (terminologia) teolohiya (teología).
6.1.3.3 Kapag may tuldik ang mahinang patinig sa orihinal na
salita.
Halimbawa, analohiya (analogía), anatomiya (anatomía),
bahiya
(bahía), biyolohiya (biología), biyograpiya (biografía),
buhiya
(bujía), ekonomiya (economía), Epipaniya (Epifanía),
hinekolohiya
(ginecología), papeleriya (papelería), paraplehiya
(paraplejía),
pasteleriya (pastelería), pilosopiya (filosofía),
potograpiya
(fotografía), radyolohiya (radiología), teolohiya
(teología), tiya (tía).
6.1.3.4 Kapag sumusunod sa dalawa o mahigit pang katinig ang
kambal-patinig. Halimbawa, aksiyon (accion), ambulansiya
(ambulancia), anunsiyasyon (anunciacion), anunsiyo
(anuncio),
atensiyon (atencion), atraksiyon (atraccion), bibliyograpiya
(bibliografía), diksiyon (diccion), direksiyon (direccion),
distansiya
(distancia), eleksiyon (eleccion), engkuwentro (encuentro),
frekuwensiya (frecuencia), funsiyon (funcion), imbensiyon
(invencion), importansiya (importancia), impluwensiya
(influencia),
industriya (industria),intelektuwal (intellectual),
intensiyon
(intencion), inter-aksiyon (interaccion), introduksiyon
(introduccion),
konsekwensiya (consecuencia), konsiyensiya (conciencia),
kontradiksiyon (contradiccion), kumperensiya (conferencia),
kumbensiyon (convencion), kumbersiyon (conversion),
kumbiksiyon
(conviccion), kuwestiyon (cuestion), mansiyon (mansion),
pasensiya
(paciencia), patriyotismo (patriotismo), pensiyon (pension),
produksiyon (produccion), pronunsiyasyon (pronunciacion),
proteksiyon (proteccion), repleksiyon (refleccion),
seleksiyon
(seleccion), silensiyo (silencio), siyensiya (ciencia),
tantiya (tantear),
tendensiya (tendencia), tensiyon (tension), transaksiyon
(transaccion).
6.1.4 Pansinin: Laging nasisingitan ng Y ang kambal-patinig
na IU at ng W ang
kambal-patinig na UI. Halimbawa, biyuda (viuda), triyumpo
(triunfo),
ruwido (ruido), ruwinas (ruinas), maliban sa altruísmo at
altruísta na may
tuldik ang ikalawang patinig.
7. Hinggil sa wastong panghihiram sa Espanyol at sa Ingles.
7.1 Iwasan ang mga salitang “siyokoy” o mga salita na hindi
wastong Espanyol at hindi
rin wastong Ingles. Halimbawa, “amyenda” sa halip na
enmiyenda (enmienda) ng
Espanyol o amendment ng Ingles, “aspeto” sa halip na aspekto
(aspecto) ng
Espanyol; “respekto” sa halip na respeto ng Espanyol o
respek (respect) ng Ingles;
“dayalogo” sa halip na diyalogo (dialogo) ng Espanyol o
dayalog (dialogue) ng
Ingles; “endorso” sa halip na endoso ng Espanyol o indors
(endorse) ng Ingles;
“imahe” sa halip na imahen (imagen) ng Espanyol o imeyds
(image) ng Ingles;
“dekolonisasyon” sa halip na deskolonisasyon
(descolonisacion) ng Espanyol o
dekoloniseysiyon (decolonization) ng Ingles;
“istandardisasyon” sa halip na
estandardisasyon (estandardizacion) o istandardiseysiyon
(standardization) ng
Ingles; “istraktura” sa halip na estruktura (estructura) ng
Espanyol o istraktiyur
(structure) ng Ingles; “kotemporaryo” sa halip na
kontemporaneo (contemporaneo)
ng Espanyol o kontemporari (contemporary) ng Ingles;
“obhektibo” sa halip na
obhetibo (objetivo) ng Espanyol o objektiv (objective) ng
Ingles; “pesante” sa halip
na paysano (paisano) ng Espanyol o pesant (peasant) ng
Ingles; “prayoridad” sa
halip na priyoridad (prioridad) ng Espanyol o prayoriti
(priority) ng Ingles;
“subhetibo” sa halip na suhetibo (sujetivo) ng Espanyol o
subjektiv (subjective) ng Ingles.
8. Hinggil sa paggamit ng –NG kapalit ng –N sa loob ng mga
salitang hiram na sinusundan ng K.
8.1 Sa tuntuning ito, angkla at hindi “ankla” ang katumbas
ng ancla; bangko at hindi
“banko” ang katumbas ng banco; kongklusyon at hindi
“konklusyon” ang katumbas
ng conclusion; kongkreto at hindi “konkreto” ang katumbas ng
concreto.
9. Hinggil sa paggamit ng ala/ alas para magpahayag ng oras.
9.1 Gumamit lagi ng gitling sa pagitan ng ala/alas at ng
kasunod na bilang, numero
man o binabaybay. Halimbawa, ala-1, ala-una; alas-2,
alas-dos.
9.2 Panatilihin ang Espanyol na Y katumbas ng at sa
pagpapahayag ng oras. Halimbawa,
ala-una y medya, alas-tres kuwarenta y singko. Pansinin na
nagaganap lamang ito
kapag binaybay ang oras sa halip na nakasulat sa numero.
10. Hinggil sa wastong baybay ng pangalan ng ating bansa.
10.1 Dapat ibalik sa Filipinas ang baybay ng pangalan ng
ating bansa. Ito ang orihinal
na pangalan ng ating bansa, alinsunod sa pagkapangalan nito
alang-alang kay
Haring Felipe. Ito ang baybay na ginamit nina Rizal at
Bonifacio sa kanilang
pagsulat. Ito ang patuloy na ginagamit ng mga bansang
nagsasalita ng Espanyol sa
United Nations. Naging Pilipinas lamang ito dahil sa
pag-iral ng abakadang Tagalog
na walang F nitong panahon ng Komonwelt at panahon ng Hapon.
Ngayong
pinalawak ang mga tunog sa alpabetong Filipino sa
pamamagitan ng pagpapasok
ng mga titik na tulad ng F ay nararapat ding ibalik ang
orihinal na baybay sa
pangalan ng ating bansa.
11.Sari-saring isyu sa baybay ng salitang Tagalog
11.1 Maaari o maari? Panatilihin ang orihinal at tumpak na
maaari.
11.2 Pariralang may Kay. Marker ang kay at hindi panlapi.
Katapat ito ng que sa
ekspresyong Que barbaridad! Sa gayon, dapat itong ihiwalay
sa kasunod na salita
kapag ginamit sa parirala. Halimbawa, kay sigla sa halip na
“kay-sigla” o
“kaysigla”; kay tamis sa halip na “kay-tamis” o “kaytamis.”
11.3 Kaso ng taga/taga-. May gitling ang “taga’ kapag
sinusundan ng pangngalang
pantangi (halimbawa: taga-Maynila, taga-Cebu). Walang
gitling kapag sinusundan
ng pangngalang pambalana (halimbawa: tagalungsod,
tagalalawigan).
11.4 Dulong patinig sa inuulit na salita. Panatilihin ang O
sa dulo ng inuulit na salita.
Halimbawa, ano-ano hindi “anu-ano”, sino-sino hindi
“sinu-sino,” halo-halo hindi
“halu-halo,” salo-salo hindi “salu-salo.” Nagiging U lamang
ang O sa inulit na salita
kapag walang gitling at nagkaroon ng ibang kahulugan ang
inuulit na salita.
Halimbawa, haluhalo na isang uri ng pagkaing pampalamig,
paruparo na isang
kulisap, salusalo na isang piging.
11.5 Reduplikasyon sa salita na may maka-. Kapuwa wasto na
ulitin ang ikalawang
pantig ng unlaping maka- o ulitin ang unang pantig ng
salitang-ugat na nilalapian
nito. Halimbawa, makakainom at makaiinom, makakatatlo at
makatatatlo,
makakasakay at makasasakay. Ipinapayo lamang na maging
konsistent sa
gagamiting anyo. Sa sulating pampanitikan, ginagamit na
marker para sa di-pormal
na diyalogo ang pag-uulit sa ikalawang pantig ng unlapi.
11.6 Paglalagay ng tuldik. Ipinapayo ang paglalagay ng
tuldik para matiyak ang bigkas
at kahulugan ng mga salita na may iisang baybay ngunit
nagbabago ang kahulugan
sa iba’t ibang bigkas. Halimbawa, píto (silbato) at pitó
(bilang); páso (daan paakyat
sa mataas na pook), pasó (lumagpas sa takdang panahon ng
paggamit), pasò
(sugat na dulot ng apoy), pasô (luad na taniman ng halaman);
líkas (bakwet) at
likás (natural); kalikásan (natura) at kalikasán
(naturalesa); táyo (pang-abay na
pangmaramihan) at tayô (tindig o panig). Iminumungkahi na
pairalin sa mga
teksbuk at sangguniang aklat ang paglalagay ng tuldik sa
lahat ng salita bilang
dagdag na tulong sa mga guro at mag-aaral hinggil sa wastong
pagbasa at
pagbigkas.
|
|
|